Mga gov‘t. employee na adik sa cellphone, awat na!


Bukod sa pakikipagtsismisan ng mga empleyado kahit hindi breaktime, paggamit ng cellphone habang nasa oras ng trabaho rin ang ikinagagalit ng mamamayan.
Ito umano ang karaniwang dahilan kaya mabagal ang serbisyo na kanilang nakukuha sa ilang opisina ng gobyerno.
Dahil dito, inirerekomenda ng Civil Service Commission (CSC) sa mga opisyal ng gobyerno at lokal na pamahalaan na magkaroon ng polisiya para sa paggamit ng cellphone ng kanilang mga kawani sa oras ng trabaho.
Ayon sa CSC, batid nilang magkakaiba ang mandato ng mga ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan kaya puwedeng hindi magkakatulad ang gagawing panuntunan kung saan maaari umanong magpalabas ng kani-kanyang memorandum ang mga tanggapan ng gobyerno.
Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagkakaroon ng hindi magandang impresyon ng mamamayan na nangangailangan ng serbisyo-publiko.
Para sa mga empleyado sa gobyerno, walang masama sa paggamit ng cellphone pero, mabuting limitahan ang paggamit nito sa oras ng trabaho.
Ang pagtatrabaho sa gobyerno ay isa ring paraan ng pagsisilbi sa bayan kaya dapat lamang na unahin ang trabaho bago ang sariling interes.





Comments