Kahulugan na maaaring mapabilang sa mga taong nagtagumpay sa buhay
- BULGAR
- Jul 7, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Jo ng Jo_Salvador@facebook.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na nagsasalita raw ako habang natutulog?
Kung minsan, napapabalikwas akong bumangon at hindi ko alam kung nasaan ako at kung ano ang ginagawa ko?
Naguguluhan ako sa mga nangyayari sa akin, baka atakihin ako sa puso.
Sana matulungan ninyo ako.
Naghihintay,
Jo
Sa iyo Jo,
Hindi senyales ng atake, stroke at heart failure ang mga nararanasan mo.
Alam mo, huwag kang maniwala na ang stroke ay bigla na lang nangyayari dahil bago ma-stroke ang tao ay may nararamdaman muna siyang hindi maganda at kapag hindi binalewala ang nararamdaman ay maaagapan ang stroke.
Simple lang ang dapat mong gawin, sumunod ka sa payo ng tunay na doktor.
Walang mas maganda pa sa tulad mong natatakot atakihin kung hindi ang kumonsulta sa tunay na doktor.
Para maniwala ka na may mga paunang nararamdaman bago atakihin ang tao, magtanong ka sa mga kakilala mo na may kamag-anak na na-stroke.
May mga nagsasabi na sumakit ang kanilang ulo at nagbago ang kanilang temperatura bago sila atakihin sa puso.
Gayunman, balikan natin ang iyong panaginip. Ang mga napanaginipan mo ay nagsasabing, may mga gusto kang gawin sa buhay mo kaya lang hindi mo magawa dahil sa iba’t ibang kadahilanan:
Naduduwag ka, kaya hindi mo magawa.
Wala kang kakayahang simulan ang mga gusto mong bagay na magpapaunlad sa iyong buhay.
Gusto mong lumayas, pero wala kang kakayahang mabuhay nang mag-isa.
Nakakontra o hindi nakikiisa ang mga taong nasa paligid mo.
Ang mga ito ay masasabing negatibong bagay, pero alam mo, ito rin ay nagbabalitang kapag hindi ka naduwag, magkakaroon ka ng successful life. Bakit?
Dahil ang mga napanaginipan mo ay panaginip ng mga taong mayroong matagumpay na buhay.
Hanggang sa muli, Professor Siegusmundo del Mundo
Comments