top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Sa kabila ng pag-aarugang ginawa sa kanila ng kanilang mga magulang.... PALPAK NA BAKUNA ANG TUMAPOS

  • Daing Mula sa Hukay
  • Jul 5, 2019
  • 4 min read

BULGAR DAING MULA SA HUKAY... HUSTISYA

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

“‘DI malaman ang gagawin, minamasdan pati pagtulog mo,” dalawa sa mga linyang mula sa awiting “Anak” ni Ka Freddie Agui­lar. Naranasan at patuloy itong ginagawa ng mapagmahal na mga magulang sa kanilang mga anak na minumutya. Sa sitwasyon ni Gng. Ma. Lourdes Escabas, hindi lamang pagma­masid ang kanyang ginawa sa anak niyang si Jhon Stephen Nepomuceno kundi matamang pagtatanod habang nakapikit pa ang mga mata at nahihimbing pa ang diwa nito pag­katapos maoperahan sa ospital. Sa kasa­maang-palad, hindi na namulat at nagising pang muli si Jhon Stephen. Ang pagbabantay ni Gng. Ma. Lourdes ay nasundan ng lum­bay dahil ang anak niya ay binawian ng buhay.

Ang yumaong si Jhon Stephen ay labintatlong (13) taong gulang nang siya ay pumanaw noong Setyembre 27, 2017 sa ospital sa Cebu. Siya ay naturukan ng Dengvaxia noong Hulyo 28, 2017 sa kanilang barangay sa Cebu. Siya ang pang-isandaan at tatlumpu’t walo (138) sa mga naturukan ng Dengvaxia, nakaranas ng sin­tomas na may common pat­tern of 4 identifed risks and serious adverse effects (anaphy­lactic al­lergic reaction, viscero­tro­pism, neu­rotropism & in­crease in se­ve­rity of dengue disease) na con­sis­tent sa Sanofi declaration in its Submission for Authori­zation sa Food and Drug Ad­ministra­tion (FDA) noong Dis­yembre 22, 2015 at sa kasa­maang-palad ay tuluyan siyang namatay.

Siya ay sumaila­lim sa foren­sic examination ng Public Attor­ney’s Office (PAO) Fo­rensic Team, pagkatapos hili­ngin ng kanyang pamilya ang ser­bisyo ng natu­rang grupo para sa yumaong biktima.

Binibigyan din sila ng kailangan nilang libreng serbisyo-legal ng PAO sa pangunguna ng inyong lingkod, bilang angkop na aksiyon na kanila ring kahilingan.

Si Jhon Stephen ay nagkalagnat noong unang linggo ng Setyembre 2017. Madalas niya noong isinusuka ang kanyang mga kinakain. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng kanyang ulo. Dahil sa mga naramdaman niyang ito ay dinala siya ng kanyang ina sa doktor upang ipasuri noong ikalawang linggo ng Setyembre 2017. Isinailalim siya sa iba’t ibang uri ng pagsusuri at ayon sa doktor, siya ay may viral infection.

Noong Setyembre 11, 2017, dahil hindi bumuti ang kala­gayan ni Jhon Stephen, siya ay dinala ng kanyang ina sa ospital sa Cebu. In-admit siya roon dahil hindi maganda ang kalagayan niya na nagkaroon ng pisikal na manipestasyon sa kanyang katawan, ga­yundin, sa kanyang mga ikinikilos at pag-uugali. Narito ang bahagi ng salaysay ni Gng. Ma. Lourdes: “Dahil hindi maganda ang kalagayan niya noon at siya ay nagwawala dahil sa labis na pana­nakit ng kanyang ulo ay in-admit siya sa nasabing ospital. Hindi nawala noon ang kanyang lagnat. Kung anu-ano rin ang kanyang sinasabi at hindi na ako kilala ng aking anak. Isinailalim ang aking anak sa CT scan at base sa resulta ay may mild hydrocephalus at meningitis diumano siya. Dahil dito, noong ika-13 ng Setyembre 2017 ay inoperahan ang aking anak upang tang­galin ang tubig sa kan­yang ulo. Matapos siyang opera­han ay hindi na muling na­gi­sing ang aking anak. Hindi na bumuti ang kalagayan niya sa mga sumunod na araw at noong ika-27 ng Set­yembre 2017 ay tuluyan nang puma­naw ang aking anak.”

Hindi malaman ni Gng. Ma. Lourdes kung bakit si­na­pit ng kanyang anak ang mga nabanggit na karamda­man na humantong sa napa­aga nitong kamatayan. Buhay sa kan­yang alaala ang malakas at masiglang si Jhon Stephen. Aniya, ito ay malakas, aktibo, malusog at masiglang bata.

Mahilig din uma­no itong mag­laro ng basketball. Dag­­dag pa niya: “Kailanman ay hindi pa siya nagkasa­kit nang ma­lubha na kinailangang maos­pital maliban na lamang nitong kamaka­ilan kung saan siya labis na nagkasakit na naging sanhi ng kanyang maagang pagpanaw.” Ang nangyaring ito sa kanyang anak ay naghatid din ng pangam­ba sa kanya ngayon dahil ang isa pa niyang anak na si Jhon Steven ay kasabay ng pu­manaw niyang anak na naturukan ng Deng­vaxia noong Hulyo 28, 2017.

Ipinagkatiwala ni Gng. Ma. Lourdes ang dalawa niyang anak sa mga health worker ng kanilang barangay na humimok sa kanya na pabakunahan ang kanyang mga anak ng Dengvaxia.

Pangungumbinse na walang pag­papa­liwanag ang isinagawa ng nasabing health workers. Ani Gng. Ma. Lourdes sa kanyang salaysay hinggil dito:

“Ang aking anak ay nabakunahan ng Dengvaxia sa aming barangay bilang programa ng Department of Health. Ang bawat kabahayan sa aming barangay ay hinimok ng mga health worker sa amin upang makiisa sa nasabing programa at pabakunahan ng Dengvaxia ang aming mga anak. Ayon sa nangasiwa ng nasabing pag­tuturok sa aming barangay, ang Dengvaxia ay bakuna kontra dengue. Sa pag-aakalang mainam ito sa kaligtasan ng aking mga anak ay nagpasya akong pabakunahan sila. Ito ay sa kabila ng hindi pagpapaliwanag sa amin sa puwedeng maging epekto nito sa kalusugan ng aking mga anak. Kung na­ipaliwanag sana sa akin na puwedeng makasama ito sa kalusugan ng aking anak na si Jhon Stephen at magiging sanhi pa ng kanyang dagliang pagpanaw ay hindi sana ako pumayag na siya ay mabakunahan.”

Dahil sa sinapit ng yumao niyang anak na si Jhon Stephen, lumapit si Gng. Ma. Lourdes sa PAO at sa inyong lingkod upang masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ng kanyang anak.

Sa ngayon, kabilang na ang kaso ni Jhon Stephen sa mga kasong may kaugnayan sa Dengvaxia na aming ipinaglalaban. Ang kanyang pagpaparamdam sa kasalukuyan ay tila pagpapahayag na ang pagbabantay sa kanya ng kanyang ina mula nang siya ay isi­nilang hanggang sa huli niyang laban sa nasabing mapamuksang bakuna ay hindi niya hahayaang masayang.

Kami sa PAO at mga kasamahan sa adbokasiya ay kabahagi ng sentimyentong ito — higit ito sa simpleng emosyon lamang, ito ay moog ng paninin­digan sa ngalan ng katarungan para sa mga biktimang anak ng ating Inang Bayan.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page