top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

BERNARDO, OLAYBAL AT CANTELA TROIKA, MALAKAS SA NAT’L CHESS

Eddie M. Paez, Jr.
Jul 4, 2019
1 min read

PINANGUNAHAN ng troika nina Darry Bernardo, Christian Marcelo Olaybal at Lorenzo Aaron Cantela ang pumasok sa winners’ circle ng kompetisyong tinaguriang National Chess Championship Men’s Quarterfinals Open sa Quezon City.

Pitong puntos ang pare-parehong naiposte ng tatlong kalahok pagkatapos ng siyam na salang sa board upang tuldukan ang isang buong puntos na kalamangan nila sa pinakamalapit na mga karibal. Hindi nakatikim ng pagkatalo sina Bernardo at Olaybal sa pagkamada nila ng tig-lilimang panalo at apat na tabla samantala, si Cantela na nakaranas nang lumuhod minsan ay nagpakitang-gilas sa pamamagitan ng anim na panalo at dalawang hatian ng puntos sa torneong sumasala ng mga interesadong maging bahagi ng Philippine Men’s Team na susulong sa prestihiyosong World Chess Olympiad.

Kabilang sa 30 woodpushers na humakbang papunta sa semifinals ay ang pulutong ng mga manlalaro na kumartada ng tig-aanim na puntos na sina John Jasper Laxamana, Jhoemar Mediogarin, FIDE Master Adrian Pacis, Justine Diego Mordido, Franklin Lloyd Andes at FM Christopher Castellano para makasama sa pangalawang pulutong ng mga qualifiers. Ang semifinals ay gaganapin sa Oktubre 26, 2019.

Sa pilian ng kakatawan sa bansa sa kababaihan, pumasok na sa finals sina Woman FIDE Master Allaney Jia Doroy nang ilampaso ng pre-tournament ang oposisyon sa pamamagitan ng pagtakbo ng 8 puntos mula sa 9 rounds. Napakalayong bumuntot sa kanya sina Samantha Babol Umayan, WCM Mira Mirano at Ruth Joy Vinuya na nakapiga lang ng 6 puntos. Nakuha nina Biazza Natori (5.5 puntos) at Rizalyn Jasmine Tejada (5.5 puntos) ang huling dalawang upuan sa finals na susulong na rin kasabay ng men’s semis.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page