GUCE, UMANGAT KONTRA BIG GUNS SA U.S. LPGA

NAIREHISTRO ng lady golfer ng Pilipinas na si Clariss Guce ang isa sa pinakamakinang niyang laro ngayong taon nang pumalo siya ng 4-under-par 67 sa huling yugto tungo sa pangkalahatang iskor na 8-under-par 205 strokes sa pagsasara ng 2019 Walmart Northwest Arkansas Championship sa palaruan ng Pinnacle Country Club sa Rogers, Northern Arkansas.
Nakipagpaulan si Guce, anak ng dating premyadong hinete ng Pilipinas ng walong birdies (holes 1, 3, 7, 9, 10, 14, 17 at 18) kontra sa apat na bogeys (hole 2, 8, 11 at 16) sa round 3 para sa kanyang 8-under-par na performance sa bakbakang ito sa Ladies Professional Golf Association (LPGA) na umakit ng 144 lady golfers mula sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig kabilang na ang USA, Spain, Korea, Ecuador, Sweden, South Africa, Thailand, Canada, Germany, England at Israel.
Ito na ang pinakamakinang na paglalaro ng Pinay sa LPGA ngayong 2019. Sa limang torneong nilahukan, dalawang beses na siyang napauwi ng maaga dahil sa hindi naabot ang cut-off score. Pero, dito sa Arkansas, humataw si Guce, mula sa opening round na 1-under 70, umangat siya sa 3-under 68 sa round 2 at 4-under 67 sa final round para sa kabuuang 8-under-par. Isang magandang palatandaan ito ng pag-angat ng kanyang laro dahil kakailanganin niyang humataw pa para makasabay sa big guns ng tour tulad ni LPGA no. 1 Sung Hyun Park ng South Korea na umiskor ng 18-under-par 195 para makaakyat sa trono ng event sa Arkansas.





Comments