Takot nang makulong uli sa Crame… SIGAW NI BONG: 'DI AKO TATAKBONG PRESIDENTE AT VP
- BULGAR

- Jun 30, 2019
- 2 min read

AYAW biguin ni Sen. Bong Revilla, Jr. ang 14 milyong Pinoy na muling nagtiwala at nagluklok sa kanya para muling maging senador kaya gusto niyang magtrabaho muna nang 100% at saka na raw niya babalikan ang paggawa ng pelikula at pagsali sa taunang Metro Manila Film Festival.
Nakausap namin ang simpatiko pa ring aktor-pulitiko sa kanyang thanksgiving dinner na ginanap sa Frabelle Corporate Plaza sa Makati last Wednesday night.
Pramis ni Sen. Bong, bilang chairman ng Committee on Public Information and Mass Media, maraming batas ang tututukan nila na makakatulong nang malaki sa mga taga-industriya lalo’t pasok sa hawak niya ang television and mass media including social media.
Kaya, bilang na ang araw ng mga trolls at bashers ng mga artista at lagot sila kay Sen. Bong dahil ayon sa senador, “Bibigyan natin sila ng mukha. Kailangang matigil ‘yung mga ganu’ng masasakit na... (banat).”
Bagama’t masakit pa rin daw ang pandudurog na ginawa sa kanya sa socmed nang maakusahan siya sa kasong plunder at makulong, aniya ay pinatawad na niya ang mga bumanat sa kanya.
Samantala, naging emosyonal naman si Sen. Bong nang balikan sa kanyang thanksgiving speech ang mga hirap na dinanas niya sa loob ng Camp Crame at kung paanong kahit kailan ay hindi siya iniwan ng misis na si Bacoor Mayor Lani Mercado, ng kanilang mga anak, mga kapamilya at lahat ng supporters na nagmamahal sa kanya.
Ngayong nagbabalik-Senado na ang aktor-pulitiko, pramis niya, “Umasa kayo, ibang Bong Revilla ang makikita n’yo sa Senado.”
Inunahan na rin ni Sen. Bong ang mga kalaban niyang inggit na inggit dahil nakabalik nga siya sa puwesto at na-vindicate ang kanyang sarili.
Aniya, “Hindi po ako tatakbong presidente at wala po akong planong tumakbong bise-presidente, kaya relax, ‘di po ako kalaban. Baka ibalik n’yo na naman ako sa Crame,” kaya nagkatawanan na lang ang mga bisita sa naturang party.
Pagkatapos ng mga pinagdaanan ni Sen. Bong sa loob ng Camp Crame, alam naming mas matibay na siya ngayon at nakatulong sa kanya nang malaki ang mga lessons na natutunan niya.





Comments