Kailanman ay hindi na maibabalik ang buhay na sa kanila ay ninakaw... MGA NATURUKAN NG DENGVAXIA NA
- Daing Mula sa Hukay
- Jun 28, 2019
- 5 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

ANG mapagmahal na anak, bata pa lamang ay nakikitaan na ng mga senyales na magiging tungkod siya ng kanyang mga magulang sa kanilang pagtanda. Ganito, ang tinedyer na si Jerome Salazar sa kanyang mga magulang na sina Jimmy at Rubelyn. Ayon sa mag-asawa, ang kanilang anak ay namamasada gamit ang padyak upang matulungan sila na matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Sa kasamaang- palad, gustuhin man ni Jerome na ipagpatuloy at higit pa niyang malasakitan ang kanyang mga magulang at iba pang mga mahal sa buhay ay hindi na niya ito magagawa dahil sa edad niyang labing-anim (16), siya ay binawian na ng buhay.
Si Jerome ay namatay noong Abril 23, 2019 sa ospital sa Cebu City. Ayon sa kanyang death certificate, ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay Myocardial failure (immediate cause); Rheumatic heart disease, in failure, New York Heart Association Class 4, Stage C (antecedent cause). Gayunman, hindi maiwasan ng mag-asawang Jimmy at Rubelyn na maalala na bago naganap ang napakapait na pangyayaring ito na nagdudulot sa kanilang pamilya ng tila walang hanggang pagluluksa ay ang pagkakaturok ng Dengvaxia kay Jerome. Ang nasabing pagbabakuna ay naganap noong Agosto 23, 2017. Siya ang pang-isandaan at tatlumpu’t pito (137) sa mga naturukan ng Dengvaxia, nakaranas ng sintomas, common pattern of 4 serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism, neurotropism & increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi declaration in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) noong Disyembre 22, 2015 at namatay na sumailalim sa forensic examination ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team, pagkatapos hilingin ng pamilya ang serbisyo ng naturang grupo para sa yumaong biktima. Binibigyan din sila ng kailangan nilang libreng serbisyo-legal ng PAO, sa pangunguna ng inyong lingkod, bilang angkop na pagresponde sa kanila ring kahilingan.
Noong unang linggo ng Setyembre 2018 ay nilagnat si Jerome. Siya ay nagkaroon ng rashes sa kanyang likod at parehong mga binti. Siya ay pinainom noon ng kanyang mga magulang ng paracetamol, subalit, naging pabalik-balik pa rin ang kanyang lagnat at mga rashes sa katawan. Ang mga ito ay nagpatuloy sa mga sumunod na buwan at dahil hindi bumuti ang kalagayan ni Jerome, dinala siya ng kanyang mga magulang sa ospital sa Cebu. Isinailalim siya roon sa iba’t ibang pagsusuri tulad ng CBC at x-ray. Base sa resulta ng kanyang CBC ay normal ito, subalit, ang resulta ng kanyang x-ray ay nagpakita na mayroon siyang enlargement of the heart. Iminungkahi ng doktor na ipa-2D echo ang puso ni Jerome, subalit, hindi ito naipagawa ng kanyang mga magulang dahil nahirapan sila noon na makakuha ng schedule sa ospital.
Natapos ang mga buwan ng Oktubre, Nobyembre, Disyembre 2018, pero hindi pa rin bumubuti ang kondisyon ni Jerome. Nagkakaroon pa rin siya noon ng pabalik-balik na lagnat at rashes sa katawan. Samantala, ngayong 2019, dumaan pa rin sa iba’t ibang pagsusuri si Jerome at ang kanyang mga nararamdaman ay nadagdagan pa. Narito ang bahagi ng salaysay ng mag-asawang Jimmy at Rubelyn: “Noong Enero 2019 ay isinailalim ulit sa pagsusuri ang aming anak at noon ay naipa-2D echo siya. Base sa resulta ng kanyang 2D echo ay mayroon daw siyang rheumatic heart disease. Siya ay tinurukan ng antibiotics at niresetahan ng mga gamot para sa kalagayan ng kanyang puso. Hindi pa rin bumuti ang estado ng kanyang kalusugan sa mga sumunod na buwan. Noong buwan ng Marso 2019 ay naging pabalik-balik na naman ang kanyang lagnat at lumitaw ang mga rashes sa kanyang katawan.”
“Pagsapit ng Abril 2019 ay parehong mga sakit pa rin ang pinagdaanan ng aming anak. Siya ay nagsusuka rin noon ng parang laway. Kasabay nu’n ay nagreklamo rin siya ng pananakit ng kanyang tiyan at namanas ang kanyang dalawang paa.”
“Noong ika-18 ng Abril 2019, alas-diyes (10:00) ng gabi ay in-admit siya. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri. Siya ay nagkaroon na rin ng ubo noon. Nagreklamo siya ng pananakit ng kanyang sikmura. Ayon sa doktor, ang pananakit ng kanyang sikmura ay kaugnay sa sakit niyang rheumatic heart disease.”
Ang petsang Abril 22, 2019 at sumunod na araw ang mga naging huling sandali ni Jerome. Noong Abril 22, 2019, alas-otso (8:00) ng gabi, nang ilipat siya sa ward section ng ospital, siya ay nagreklamo noon ng pananakit ng kanyang tiyan. Siya rin ay nagsuka at hindi pa rin nawala ang kanyang rashes sa katawan. Mga ala-una (1:00) ng madaling-araw, pagkatapos umihi si Jerome, napansin ng kanyang mga magulang na naghahabol siya ng hininga. Siya ay na-CPR at in-intubate. Sa kabila ng pagtatangka ng medical personnel doon na isalba ang buhay ni Jerome, nabigo pa rin sila dahil pagsapit ng alas-dos (2:00) ng madaling-araw ay tuluyan na siyang pumanaw.

Si Jerome ay binakunahan sa kanilang barangay. Ipinagkatiwala siya ng kanyang mga magulang sa tagapangasiwa ng nasabing pagbabakuna kahit hindi nasabi sa kanila ang maaaring maging epekto nito sa katawan ng tinurukan dahil inakala ng kanyang mga magulang na makabubuti ito para sa kanya. Anila, sa ibinigay nilang pahayag hinggil dito: “Ang aming anak ay nabakunahan ng Dengvaxia sa aming barangay bilang programa ng Department of Health. Ang bawat kabahayan sa aming barangay ay hinimok ng mga health worker sa amin upang makiisa sa nasabing programa at ipabakuna ang Dengvaxia sa aming mga anak. Ayon sa nangasiwa ng nasabing pagtuturok sa aming barangay, ang Dengvaxia ay bakuna kontra dengue. Sa pag-aakalang mainam ito sa kaligtasan ng aming mga anak ay nagpasya kaming pabakunahan sila ng Dengvaxia. Ito ay sa kabila ng hindi pagpapaliwanag sa amin sa puwedeng maging epekto nito sa kalusugan ng aming mga anak. Kung naipaliwanag sana sa amin na puwedeng makasama ito sa kalusugan ng aming anak na si Jerome at magiging sanhi pa ng kanyang dagliang pagpanaw ay hindi sana ako pumayag na siya ay mabakunahan.”
Naniniwala ang mga magulang ni Jerome na ang nangyari sa kanilang anak ay dala ng kawalang pag-iingat ng mga nagbakuna sa kanya, kaya ayon sa kanila ay nais nilang “mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral”. Alinsunod dito ay lumapit ang mag-asawang Jimmy at Rubelyn sa PAO at sa inyong lingkod upang masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ni Jerome. Kaya kami sa PAO ay tumugon sa kanilang pangangailangan sa aming paglilingkod.
Ang pagkamatay ni Jerome ay nagdulot ng walang kasingsakit na pagkabigla at palaisipang hindi pa rin napaparam sa isipan ng kanyang mga magulang. Buhay sa kanilang alaala ang pagiging malakas, aktibo at masiglang bata noon ni Jerome, gayundin ang kanyang pagkahilig sa paglalaro ng basketball at pagiging marunong sa buhay. Kaya hindi makapaniwala ang mga magulang ni Jerome na basta na lamang siyang mawawala na parang pinaalis sa lupa ng mapamuksang tsunami. Dagdag pa rito, sa daluyong na sumalanta sa pamilya ng yumaong si Jerome, ang walang hanggang pangamba ng mag-asawang Jimmy at Rubelyn, sa kanilang dalawang anak na nabubuhay na sina Jinnylyn at Jimrex Tenebroso na naturukan din (kasabay ni Jerome) ng Dengvaxia noong Agosto 23, 2017.
Sa mga pagpaparamdam ni Jerome, wari ay kasama ang pagpapaalala sa mga kinauukulang opisyal at kagawaran ng pamahalaan na kasama sa utang na hustisya ng mga nambiktima sa kanya, nararapat ding maibigay ang tama at sapat na pag-aalaga sa mga buhay na naturukan ng Dengvaxia tulad ng mga kapatid niya. Impormasyon sa pagpapatatag ng immune system at kongkretong tulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng bitamina, supplements na pampatibay ng kalusugan at kaukulang medikasyon kung kinakailangan — ang lahat ng ito ay maituturing na napakaliit na bahagi lamang ng responsibilidad sa Dengvaxia vaccinees ng mga nasa likod ng pagtuturok ng nasabing bakuna.
Ang mga ito ang nararapat na tamasahin nila upang patuloy na maging maayos ang kanilang kalusugan at magkaroon pa ng mga pagkakataong pangkaunlaran.
(Itutuloy)





Comments