Rehabilitasyon sa Manila Bay, lalong tumatagal dahil sa mga pasaway!


Patuloy ang isinasagawang rehabilitasyon ng Manila Bay.
Kaya lang, lalo itong tumatagal dahil sa mga pasaway na patuloy nagtatapon ng basura sa mga ilog na bumabagsak sa Manila Bay at mga establisimyento na hindi sumusunod sa mga patakaran para maiwasan ang polusyon.
Kaugnay nito, nagbigay-babala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga establisimyento na hindi lamang ipasasara kundi full shutdown ang kanilang operasyon.
Ayon sa ahensiya, ang pagpapatupad ng batas ay laban sa mga establisimyento na dahilan ng polusyon sa Manila Bay.
Ang business permit ng umano’y polluting establishments ay pansamantalang sususpendihin hangga’t hindi nakasusunod sa Clean Water Act at lahat ng Environmental Laws.
Samantala, nabigyan na umano ng sapat na panahon ang mga establisimyento para sumunod sa itinakdang mga batas.
Una rito, ilang establisimyento ang tinawag na ‘Manila Bay polluters’ at pinatawan ng cease and desist order ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Kung patuloy na susuway ang mga establisimyento sa mga patakarang itinakda para maiwasan ang polusyon, mahihirapan ang pamahalaan na matapos agad ang rehabilitasyon ng Manila Bay.
‘Ika nga nila, may kabayaran ang pagsuway sa batas kaya para sa mga owner ng establisimyento, huwag maging pasaway!





Comments