BOSS EMONG, HARI SA 2nd LEG TRIPLE CROWN
- Ding Taboy
- Jun 24, 2019
- 2 min read

ITINANGHAL na kampeon ang Boss Emong sa katatapos na 2nd Leg Triple Crown Stakes Race at sinungkit naman ng My Jopay ang Hopeful Stakes Race sa Saddle and Clubs Leisure Park, Naic, Cavite kahapon.
Binigo ng Boss Emong, na pag-aari ni Edward Diokno ang 1st leg Champion na Real Gold sa 1,800 meters na distansiya makaraang ibulsa ang 2nd Leg Triple Crown Stakes Race. Ang Boss Emong ay pangatlo sa bentahan habang ang Real Gold ay Outstanding favorite sa karera.
Tinanggap ni Boss Emong ang P1.8-M habang ang Real Gold ay kinuha ang ikalawang premyong P675,000 at pinagkalooban ng P375,000 ang 3rd place na Jayz at tumanggap ng P150,000 ang pumang-apat na Toy For The Bigboy.
Hinablot ng My Jopay ang titulong 2019 Philracom Hopeful Stakes Races makaraang pakainin ng alabok ang mga kalaban. Ang My Jopay ay naorasan sa bilis na 1:53.8 sa distansiyang 1,800 meters na karera. Pangalawa ang Two Timer, habang dumating na pangatlo ang The Accountant at pumang-apat ang JLO.
Nag-uwi ng P600,000 ang My Jopay habang tumanggap ng P225,000 ang Two Timer bilang 2nd place, P125,000 ang The Accountant bilang 3rd place at P50,000 ang tinanggap ng JLO bilang 4th place.
Samantala, nagwagi ang My Sheltex sa katatapos lang sa 2019 Philracom 3 Year Old Locally Bred Stakes Race sa pag-arangkada ng Race 1. Maganda ang naging laban ng My Sheltex at Silab na dumating na pangalawa sa karera habang pangatlo ang Weather Lang at Pang-apat ang Electrify.
Sa pagbukas pa lang ng aparato bilang hudyat ng karera, kinuha kaagad ang unahan ng My Sheltex bago inagaw ng Silab. Naging matapang ang laban ng dalawang kalahok pagdating sa huling likuan at muling inagaw ang pangunguna ng My Sheltex sa Silab.
Tinanggap ang unang premyong P300,000 ng My Sheltex at nagkamit ng P112,500 ang pumangalawa sa laban at P62,500 ang napunta sa Weather Lang na itinanghal na 3rd place at nag-uwi ng P25,000 ang 4th placer na Electrify.





Comments