Dagdag-suweldo sa nurse, ibigay na!
- BULGAR

- Jun 22, 2019
- 1 min read

Napakaraming nurses dito sa amin ngunit, bakit tila walang natira? Nag-a-abroad sila”, bahagi lamang ito ng kantang nagpapakita ng sitwasyon ng mga nurse sa ating bansa.
Ito ay dahil mas pinipili ng mga kababayan nating nurse na mag-abroad para magkaroon ng malaking kita para maibigay ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Mataas na pasahod at mga benepisyo, ito ang nakikitang paraan ng Philippine Nurses Association (PNA) para piliin ng mga nurse na magtrabaho sa sariling bansa.
Ayon sa PNA, ang entry level na suweldo sa pribadong ospital ay nasa P11,500 hanggang P12,500 habang sa religious-run hospital ay nasa P8,000 hanggang P10,000 lamang.
Bukod sa pag-alis ng nurses sa bansa, maraming ospital na rin ang nagsara dahil sa kakulangan ng nurses.
Hindi umano puwedeng pigilan ang mga nurse na mangibang- bansa dahil sa pagnanais ng mga ito na magkaroon ng magandang buhay ngunit, sa pamamagitan ng pagtataas ng suweldo, pagbibigay ng ligtas at positibong work environment at mga benepisyo, magdadalawang-isip ang mga ito na umalis sa bansa.
Bagama’t, maraming pagamutan ang nangangailangan ng nurse rito, kung hindi maibibigay ng gobyerno ang kanilang pangangailangan, paano na?
Matagal nang isinisigaw ng mga nurse ang umento sa suweldo ngunit, hindi pa rin sila napagbibigyan hanggang ngayon.
Hindi biro ang pinag-aralan, haba ng oras ng trabaho at sakripisyo ng mga nurse kaya dagdag-suweldo, ibigay na!





Comments