ONE WIN AWAY NA LANG SA CIGNAL-ATENEO


ISANG panalo na lamang ang kailangan ng Cignal-Ateneo upang maangkin ang korona matapos bawian ang Centro Escolar University, 67-52, kahapon sa Game 3 ng kanilang best of 5 Finals series para sa 2019 PBA D-League sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Nagmistulang pader sa kanyang depensa si Blue Eagles Ivorian center Ange Kouame matapos magtala ng 9 na blocks na sinamahan nya ng 10 puntos at 7 rebounds.
Tumapos namang topscorer si Thirdy Ravena na may 12 puntos at 8 rebounds para sa Cignal-Ateneo kasunod sina Mike Nieto at Adrian Wong na may tig-9 na puntos.
“We went a little bit away from our defensive system last game and we wanted to get that in today’s game,” pahayag ni coach Sandy Arespacochaga.
Naantala ng halos kalahating oras ang laro dahil may tumutulo sa venue dulot ng malakas na ulan sa 8:18 ng fourth quarter.
Nanguna naman si Senegalese big man Maodo Malick Diouf para sa CEU sa ipinoste nitong 19 puntos at 20 rebounds. Nagawa ng Scorpions na tumabla kahit pito lamang ang naglaro sa kanila noong Game 2 sa pangunguna ni Jerome Santos at Senegalese big man Malick Diouf.
Kaya naman umaasa si coach Derrick Pumaren na muling ipakikita ng Scorpions ang kanilang pusong palaban at ibubuhos ang abot ng kanilang makakayanan na hindi nakita sa kanila noong Game 1. “Hope they will continue to believe that we can be at the same league with Ateneo,” wika ni Pumaren.
Sa panig ng Ateneo, inaasahang magkukumahog silang makabawi mula sa natamong pagkabigo partikular ang big man na si Isaac Go na hindi nakalaro dahil may sakit ito noong Game 2.
Bagamat natalo, nananatiling paborito pa rin ang Blue Eagles na nakuha pang humabol at makatabla noong Game 2 makaraang maiwan ng sampung puntos sa huling 4 na minuto ng laro, bago kinapos sa final stretch matapos alatin ang kanilang mga shooters. (VA)





Comments