Ingat sa nagkalat na pekeng anti-rabies vaccines


PAGKATAPOS pumutok ang isyu ng mga gamot na ibinebenta online kung saan may posibilidad na peke ang mga ito, may panibagong babala ang Food and Drug Administration (FDA).
Pinag-iingat na ang publiko sa kumakalat na mga pekeng anti-rabies vaccines.
Ito ay matapos madiskubre ng ahensiya na ipinagbibili sa merkado ang Anti-Rabies Serum (Equine) 5ml Vial at Purified Rabies Vaccine (Vero cell) Speeda.
Sa abiso, may tatak na Equirab ang Anti-Rabies Serum (Equine) at sinertipikahan na ng BSV Bioscience Phils., Inc., ang Marketing Authorization Holder ng produkto na pineke ang kanilang gamot.
Gayunman, isinapubliko na ng ahensiya ang batch numbers ng mga pekeng bakuna at ang mga palatandaan sa kahon ng mga ito.
Paalala ng ahensiya sa distributors at consumers, bumili lamang sa mga establisimyentong may lisensiya mula sa FDA habang inabisuhan ang Bureau of Customs (BOC) na pigilan ang importasyon ng mga nabanggit na pekeng produkto upang hindi makalusot sa bansa.
Bagama’t, parami nang parami ang mga Pinoy na nangangailangan ng bakuna kontra rabies, hindi maiwasang kumagat ng ilan sa murang uri nito.
Para sa kaligtasan ng nakararami, mabuting bumili ng nasabing mga gamot sa awtorisadong establisimyento upang makasigurong tunay ang mabibili ninyo.





Comments