top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

BACOJO, SUMUKBIT NG 3RD TITLE SA ASEAN CHESS

Eddie M. Paez, Jr.
Jun 21, 2019
1 min read

NAIBULSA ng 13-anyos na si Mark Jay Bacojo ang pangatlong titulo sa Boys Under 14 upang pangunahan ang medalists ng Pilipinas sa Blitz Chess sa pagsasara ng 20th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Age-Group Chess Championships sa Mandalay City sa Myanmar.

Hinablot din ni Neil Chester Reyes ang huling upuan sa podium para matagumpay na maiposte nina Bacojo at Reyes ang 1-3 wind-up sa U14 bracket para sa bansa.

Hindi rin nagpaiwan sa paspasang ahedres sina boys under 18 bet Christian Mark Daluz at girls under 10 gem Kaye Lalaine Regidor para selyuhan ang paghakot ng Pilipinas ng 3 gold medal sa bakbakang blitz ng kompetisyon na umakit din ng mga pinakamalulupit na kalahok mula sa Thailand, Singapore, Vietnam, Malaysia, India, Indonesia, Mongolia at ang punong-abalang Myanmar.

Ang panalo ni Daluz, may-ari rin ng rapid chess gold at standard chess silver ay nagsilbing angkla para sa isang podium sweep ng bansa sa grupo ng mga U18 boys blitz woodpushers dahil pumangalawa at pumangatlo sa kanya ayon sa pagkakasunod-sunod ang mga kababayang sina Eric Labog Jr. at Israelito Rilloraza.

Kinasangkapan ni Regidor, pre-tournament favorite, ang walong panalo at kabuuang 8.0 puntos mula sa 9 na rounds ng engkuwentro sa board para makasampa sa trono ng G10 na pangkat at daigin ang mga pinakamalapit na karibal (Thuy Linh Nguyen at Huynh Mai Hoa Nguyen) mula sa powerhouse na Vietnam.

Nasa hanay ng mga nakapag-uwi rin ng karangalan sa blitz sina John Merill Jacutina (U20, 2nd), Ma. Elayza Villa (G16, 2nd), Vic Glysen Derotas at Francois Marie Magpily (G18, 2nd), IM John Marvin Miciano (U20, 3rd), Daren Dela Cruz (G12, 3rd) at Allaney Jia Doroy (G20, 3rd).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page