Hog industry, proteksiyunan laban sa ASF
- BULGAR

- Jun 19, 2019
- 1 min read

Nananatiling ligtas sa African Swine Fever (ASF) ang bansa.
Gayunman, matapos ang pagkakasamsam sa Clark International Airport ng mga de-lata at produktong baboy kung saan 37 sa 300 samples nito ay nagpositibo sa ASF, may pakiusap ang mga awtoridad sa publiko.
Nakiusap ang Bureau of Animal Industry (BAI) sa publiko na ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may makitang mga produktong ibinebenta sa merkado na galing sa bansang apektado ng ASF.
Ayon sa BAI, wala pang naitalang kaso ng ASF sa bansa ngunit, agad nila itong bineberipika tuwing may natatanggap silang ulat.
Bagama’t, walang epekto ang naturang sakit sa mga tao at ibang hayop, delikado ito sa mga baboy.
Gayundin, kung sakaling magkaroon nito sa bansa, higit na apektado ang hog industry.
Matatandaang, ipinagbawal ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Agriculture ang pag-aangkat ng mga produkto at karneng baboy sa mga bansang apektado nito kabilang ang China, Belgium at South Africa.
Samantala, nakatakdang bumili ang Department of Agriculture ng x-ray units na ilalagay sa mga paliparan sa bansa upang masuri ang agricultural products, partikular sa mga karne.
Ang hakbang na ito ay para maprotektahan ang bansa laban sa ASF.
Hindi na dapat nating hintaying maapektuhan ang ating ekonomiya bago tayo maalarma kaya kampanya kontra ASF, paigtingin!





Comments