Babaeng ayaw panagutan ng BF

Dear Roma, Ako si Misa, mag-a-apat na buwan na akong hindi nagkakaroon ng buwanang dalaw at palagi akong nakararamdam ng pagkahilo at pagsusuka. Nagpa-check-up ako at nalaman kong buntis ako. Sinabi ko ito sa aking boyfriend kaya lang ang sabi niya sa akin ay hindi raw siya ang ama ng dinadala ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, gayung siya naman talaga ang ama at wala akong ibang BF. — Misa
Misa, Nakalulungkot na sa panahon ngayon, napakaraming lalaki na ang ka-tulad ng boyfriend mo. Siguro, ang pinakamainam sa lahat, sabihin mo ang sitwasyon mo sa mga magulang mo kung sakaling hindi pa nila alam. Kung ayaw tanggapin o panindigan ng nobyo mo ang ipinagbubuntis mo, wala tayong magagawa. Mas mainam na magpakalalaki siya ayon sa desisyon niya at hindi dahil sa napilitan lamang siya. Puwede ring hindi pa kasi siya handa o nabigla lang siya. Huwag mong isiping mag-isa ka lang sa laban at pagsubok na ‘yan. Alam mo, bes, ang mga magulang, hindi nila kayang tiisin ang kanilang mga anak. Kung itakwil ka man nila, paniguradong mayroon pa ring darating na mga taong tutulong sa iyo. ‘Ika nga, magtiwala ka lang sa Diyos. Kaya mo ‘yan! Ingatan mo ang iyong sarili at ang baby mo. Darating din ang panahon na siguradong pagsisisihan ng nobyo mo ang pagtanggi niya sa anak ninyo. God bless!





Comments