CARIÑO, READY NA SA LE TOUR DE FILIPINAS

LALARGA na ang 10th Le Tour de Filipinas sa Biyernes sa Tagaytay City at tatagal ng limang araw hanggang Lunes na magtatapos sa Sorsogon. Lahat ng pansin ay nakatuon kay defending champion El Joshua Cariño ng Philippine National Team sa kanyang pagharap sa ikalawang korona at sa limang koponang Pinoy at 10 koponan galing sa ibang bansa.
“Handa na ako,” wika ni Cariño sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel Manila. “Sa tingin ko magiging mahigpit na kakompetisyon namin ang mga rider ng China at Malaysia.”
Sinamahan si Cariño ng kanyang coach na si Reinhardt Gorantes at Donna May Lina ng Le Tour de Filipinas at mga kapwa siklistang sina Marcelo Felipe at Dominic Perez ng 7Eleven CLIQQ Air 21, Ismael Grospe Jr. at Daniel Ven Cariño ng Go For Gold Continental Team at dating kampeon Mark John Lexer Galedo ng Celeste Cycles at kanyang coach na si Eusebio Quiñones.
“Alam kong maraming mga bata ngayon na malakas pero gagamitin ko ang aking karanasan,” wika ng 34-anyos na si Galedo na kampeon noong 2014.
“Gagabayan ko ang aking teammates kasi karamihan sa kanila ay mas bata ng 23-anyos.” Ang unang yugto ay magsisimula at magtatapos sa Tagaytay at dadaan sa mga bayan ng Batangas. Nagkakaisa ang lahat ng siklista na ang mahabang pangalawang yugto mula Pagbilao, Quezon hanggang Daet, Camarines Norte ay maaaring magsabi kung sino ang tatanghaling kampeon.Susundan ito ng biyaheng Daet papuntang Legazpi City, Albay sa Linggo at ang ika-apat na yugto mula Legazpi hanggang Sorsogon City sa Lunes. Ang huling yugto sa Martes ay iikot sa loob ng lalawigan ng Sorsogon. May naghihintay na P1.8-M na premyo para sa lahat ng mananalo at mas mahalagang UCI points upang makasali ang Pilipinas sa darating na 2020 Tokyo Olympics.





Comments