TRIGGERMAN CAIDIC, PETMALU, ILDEFONSO, BIDA SA UNTV CUP


MULING naibalik ni dating MVP winner Allan Caidic ang dating porma at ipinakitang siya pa rin ang ‘deadliest shooter’ sa kanyang panahon, nakapagsalpak ng tres at pinangunahan ang San Miguel Beermen sa 76-61 na panalo kontra Alaska sa UNTV Cup PBA Legends Faceoff noong Linggo sa Pasig City Sports Center.
Ang 1994 MVP winner na kilala sa katawagang “The Triggerman” noong kapanahunan niya sa pro league ay umiskor ng 15 puntos mula sa trifecta region nang kabigin ng Beermen ang ikalawang diretsong panalo sa event na mabebenepisyuhan ang PBA Legends Foundation mula sa isang buwan na torneo. Habang umiinit ang laro ni Caidic, tumapos siya ng impresibong 5-of-9 shooting bitbit ang 3 puntos na pamatay, dinomina rin ni dating two-time MVP Danny Ildefonso ang laro at namuno sa 18 puntos bukod sa pagposte ng 6 rebounds, 2 assists at steal.
Naipagpag ni MPBL Commissioner Kenneth Duremdes ang inaalikabok niyang hawak sa bola nang kumana ito ng 12 puntos habang sina Willie Miller at Johnny Abarrientos ay nakagawa ng 17 puntos nang maitala ng Milkmen ang 1-1 record.Impresibo rin ang laro ng Ginebra San Miguel at muling pinasaya ang fans nang pulutanin ang karibal na Purefoods, 100-83 nang sumabog ang laro ni MVP Jayjay Helterbrand sa 28 puntos.
Malakas ding laro ang ipinakita ni Vince Hizon, limang tres ang ginawa tungo sa kabuuang 25 puntos para sa Gin Kings na naipatas ang laro sa Milkmen sa 3rd standings. Nakagawa ng 16 puntos si four-time MVP winner Alvin Patrimonio pero hindi naging sapat nang makadalawang talo sila sa event ni UNTV President at CEO Dr. Daniel Razon. Isang tax-free na P2 million ang mapupunta sa PBA Legends Foundation matapos ang event. (MC/ATD)





Comments