top of page

Paalala na gawing inspirasyon ang mga magulang kahit patay na ang mga ito

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 10, 2019
  • 2 min read

Salaminin natin ang panaginip ni Daisy ng aisy_Alsisto@facebook. com

Dear Professor, Patay na ang mga magulang ko, pero sa panaginip ko, ang nanay ko ay buhay pa at ang tatay ko ay nasa kabaong, pero nakita ko siyang humihinga at gumagalaw. Binuksan namin ng nanay ko ang kabaong at kinuha namin si tatay. Ano ang ibig sabihin nito? Salamat at God bless!

Naghihintay, Daisy

Sa iyo Daisy, Ayon sa iyong panaginip, sa kasalukuyan ay pinanghihinaan ka ng loob. Parang may takot sa katawan mo na humahadlang para ituloy mo ang iyong mga pangarap sa buhay.

Ito rin ay nagsasabing, sa ngayon ay nag-iisa ka. May boyfriend ka ba o asawa? Kung oo, ang sagot mo, ang iyong karelasyon, asawa man o boyfriend ay hindi ka nabibigyan ng sapat na kalinga para harapin mo ang mga hamon ng iyong kapalaran.

Huwag kang matakot, iha, ito ang mensahe ng iyong panaginip. Ipinapayo rin na isipin mo na ang iyong nanay ang naging ilaw ng inyong tahanan at siya pa rin ang inyong ilaw sa dilim ng buhay na iyong kinatatakutan.

Oo, wala ka na ring tatay, pero ang panaginip mo ay nagsasabing, siya ay buhayin mo sa iyong pagkatao. Isabuhay mo na ang tatay mo ang haligi ng tahanan.

Hindi na mahalaga kung siya ay nasa tabi mo ngayon dahil ang importante ay ang magagandang pangaral niya sa iyo nang siya ay nabubuhay pa.

Ang mga ito ay gawin mong sandalan habang nilalabanan mo ang mga pagsubok sa buhay. Ang mga magagandang nagawa nila noong sila ay buhay pa ay alalahanin mo dahil ang mga ito ang magsisilbing lakas mo nang sa gayun ay makamit mo ang iyong pinakaaasam-asam na magandang buhay.

Ang mga ito ang lihim na dahilan kung bakit napanaginipan mo ang nanay at tatay mo sa kabila na silang dalawa ay patay na.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page