ACES, PINUNDI ANG BOLTS; BANCHERO, NAKA-23 POINTS


HINIGOP ng Alaska Aces ang three-game winning streak matapos nilang pundihin ang Meralco Bolts, 93-89 kagabi sa 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Ynares Center, Antipolo City.
Tumikada si Chris Banchero ng 23 points, siyam na rebounds at apat na assists para sa Aces na may 4-2 record.
Naging matatag sa endgame ang Alaska upang makuha nila ang importanteng panalo at makalapit ng bahagya sa top spot.
Dikitan ang labanan sa unang dalawang periods, nakapitan ng Aces ang dalawang puntos na bentahe, 42-40 sa halftime.
Hindi nagpabaya ang Alaska sa third period nilagok nila ang 27-24 bentahe upang hawakan ang limang puntos na lamang, 69-64 papasok ng fourth canto. Samantala, sisikapin ng NorthPort Batang Pier na sumalo sa top spot ng team standings pagharap nila sa Magnolia Hotshots sa Miyerkules sa Araneta Coliseum.
Tangan ang 4-1 karta, magsisimula ang bakbakan ng Batang Pier at Hotshots sa alas-4:30 ng hapon habang magkatapat sa pangalawang laro ang crowd favorite Barangay Ginebra Gin Kings at TNT KaTropa sa alas-7 ng gabi. Galing sa panalo ang NorthPort, sasandalan nila sina import Prince Ibeh, locals Garvo Lanete, Jonathan Grey at rookie Robert Bolick.
Subalit paniguradong dadaan sa butas ng karayom ang Batang Pier dahil makakalaban nila ang team na naghahanap ng kanilang unang panalo ngayong season.
Ibabangga ng Pambansang Manok Magnolia sina Ian Sangalang, Mark Barroca, Paul Lee at import nilang si John Fields. (ATD)





Comments