top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

BIGO ANG PASIG AT BALANGA SA FIBA 3X3 MOSCOW CHALLENGER

A. Servinio
Jun 9, 2019
2 min read

UMUWING luhaan ang Pilipinas matapos parehong mabigo ang Pasig Chooks at Balanga Chooks sa kanilang paglahok sa FIBA 3X3 Moscow Challenger sa tanyag na Gorky Park noong Biyernes ng gabi (Sabado ng umaga sa Pilipinas).

Maganda ang simula ng kanilang kampanya ngunit, biglang nagsunuran ang mga pagkabigo.

Nakasali ang Balanga dahil binigyan sila ng wild card entry at agad na ipinakita nila na karapat-dapat silang mapili at kinailangan lang nila ang 5:24 upang talunin ang Odessa ng Ukraine, 21-9, sa qualifying round noong umaga. Tabla ang laban, 4-4, pero bumulusok mula roon ang Balanga sa likod nina Karl Dehesa at Alvin Pasaol na nagtapos na may 10 puntos, mas marami pa sa buong kalaban.

Pagsapit ng tanghali ay hindi naipagpatuloy ng mga Pinoy ang kanilang husay at dumapa sa Moscow Inanomo para sa huling tiket sa main draw, 14-21. Ipinakita ng mga Russo ang kanilang lakas sa harap ng mga kababayan upang makaganti sa Balanga na tinalo sila sa overtime, 20-19, sa FIBA 3X3 World Tour Masters sa Doha noong Abril.

Pareho rin ang kapalaran na sinapit ng Pasig nang gulatin sila ng Antwerp ng Belgium, 21-14, sa Grupo B ng main draw. Pumutok ng husto ang mga Belgian sa labas at pinasok ang pitong dos upang lumamang, 17-8 at hindi nakabawi ang Pasig dagdag ng problema nila sa fouls.

Dahil doon, hindi puwedeng matalo ang Pasig sa nalalabi nilang laro kontra Riga ng Latvia pero nanaig pa rin ang kalaban, 21-17. Tulad ng unang laro nila sa Antwerp, isang mabagal na simula at maagang mga foul ang humila pababa sa mga Filipino.

Lumaban pa rin ang Pasig at saglit na tinakot ang Riga, 17-20, pagkatapos ng dos ni Dylan Ababou at tira ni Nikola Pavlovic, subalit natawagan ng technical foul si Troy Rike at pinasok ng Riga ang free throw upang wakasan ng maaga ang laro na may 2:06 sa orasan.

Walang pinagkaiba ang laban sa init ng kanilang unang pagtagpo sa Doha Masters kung saan binura ng Riga ang Pasig sa quarterfinals, 21-15.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page