PHL AZKALS VS. CHINA SA FIFA FRIENDLY GAME

BABALIK-AKSIYON ang Philippine Azkals sa kanilang FIFA Friendly kontra sa Tsina ngayong gabi sa Guangzhou. Ito ang unang sabak ng mga Pinoy matapos ang kanilang makasaysayang paglahok sa AFC Asian Cup noong Enero sa United Arab Emirates.
Ang koponan ay halo ng mga sikat na manlalaro ng Philippines Football League (PFL) at mga Filipino na naglalaro bilang import sa ibayong dagat. Pumili si Coach Scott Cooper ng limang manlalaro buhat sa kasalukuyang PFL kampeon Ceres Negros na sina Stephan Schrock, Curt Dizon, Alvaro Silva, Kevin Ingreso, Mike Ott at Jovin Bedic ng Kaya, Iloilo at ang nagbabalik na si goalkeeper Patrick Deyto ng Stallion Laguna.
Buhat sa mga liga sa labas ng bansa ay ang mga goalkeeper na sina Michael Falkesgaard at baguhang si Bernd Schipmann. Sasamahan sila ng mga defender na sina Amani Aguinaldo, Marco Casambre, Stephen Palla, Luke Woodland at Daisuke Sato, midfielder Christian Rontini at forward Javier Patino. Mapapansin na wala ang pangalan ng magkapatid na sina Phil Younghusband at James Younghusband at ang goalkeeper na si Neil Etheridge.
Matatandaan na ang Tsina ang isa sa mga hinarap ng Azkals sa UAE at pinahirapan nila ito ng husto bago tuluyang matalo, 0-3. Ito ay patunay ng patuloy na pag-unlad ng kalidad ng Football sa Pilipinas dahil malayo ito kumpara sa kanilang friendly na halos dalawang taon na ang nakararaan noong Hunyo, 2017 sa Guangzhou rin kung saan nanaig ang mga Tsino, 8-1. Pagkatapos ng friendly sa China ay may nakatakdang isa pang laro ang Azkals kontra sa isang propesyonal na koponan sa Guangdong.
Ang pag-ensayo ng Azkals ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa Asian Qualifiers para sa 2022 FIFA World Cup sa Qatar na magsisimula sa Setyembre.





Comments