Patuloy nating ipaglalaban ang tagumpay tungo sa katarungan... BILANG NG MGA BATANG BINABAWIAN NG BU


PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

ANG pangalan ay nagpapatunay at nagpapatibay ng identity o pagkakakilanlan ng tao. May mga pagkakataon ding ito ay naglalarawan sa mga katangian ng may-ari ng pangalan at nagpapahiwatig ng kapalaran niya sa buhay. Ang teenager na si Mary Joy Fillarca ay may mga katangian na nagpatotoo sa kanyang pangalan. Siya ang batang Maria na nagbigay ng katuwaan sa kanyang mga mahal sa buhay at kakilala dahil sa kanyang kagalingan at kabutihan.
Ayon sa kanyang mga magulang: “Ang aming anak ay malakas, aktibo, malusog at masiglang bata. Mahilig siyang maglaro ng basketball. Napakamatulungin sa gawaing-bahay ang aming anak. Tinutulungan din niya kami sa pananahi ng ibibenta naming basahan.”
Sa kasamaang-palad, bagama’t, ang lugod at kabaitang kanyang ipinakita ay hindi na mabubura sa isipan ng kanyang pamilya at nakasalamuha sa buhay, ang magagandang katangian niyang ito ay hindi na kongkretong mamamalas sapagkat siya ay pumanaw na. Nakalulungkot isipin na sa edad niyang labing-apat (14) ay binawian na siya ng buhay. Si Mary Joy ay namatay noong Mayo 6, 2019 habang dinadala siya sa ospital ng kanyang mga magulang na sina Dely at Jonathan Fillarca.
Siya ang pang-isandaan at tatlumpu’t apat (134) sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng mga sintomas; common pattern of serious adverse effects na consistent sa Sanofi declaration sa Food and Drug Administration (FDA) noong Disyembre 22, 2015 at namatay na sumailalim sa forensic examination ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team, pagkatapos hilingin ang serbisyo ng grupo ng pamilya ng yumao. Binibigyan din sila ng naaangkop na libreng serbisyo-legal ng aming tanggapan sa pangunguna ng inyong lingkod na siyang aming aksiyon sa kanilang kahilingan.
Si Mary Joy ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan nang dalawang (2) beses. Una, noong Hunyo 29, 2016 at pangalawa, noong Setyembre 13, 2017. Matapos maturukan ng unang bakuna, nakaranas siya ng pasumpung-sumpong na pananakit ng ulo hanggang ngayong 2019. Magtatanghali ng Mayo 5, 2019 nang magkaroon ng lagnat si Mary Joy. Siya ay pinainom kaagad ng gamot ng kanyang mga magulang at pagkatapos niyang matulog ay nawala rin ang kanyang lagnat. Makahihinga na sana nang maluwag ang kanyang mga magulang dahil dito, ngunit, nang sumunod na araw, Mayo, 6, 2019 ay may seryosong naramdaman sa kanyang katawan si Mary Joy at ito ay humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang kaugnay na pahayag ng ina ng yumao tungkol dito:
“Noong ika-6 ng Mayo 2019, mga alas-otso (8:00) ng umaga, napansin ko na inom nang inom ng tubig si Mary Joy. Tinanong ko siya kung bakit siya inom nang inom ng tubig, ang sagot niya ay masakit daw ang dibdib niya. Pagkatapos nu’n ay napansin ko na tila nahihirapan na siyang huminga. Nang tanungin ko siya ay nagreklamo sa amin ang aming anak na sumisikip ang kanyang dibdib at hirap siyang huminga. Siya ay kaagad naming isinugod sa ospital gamit ang aming tricycle. Habang kami ay nasa daan papuntang ospital at lulan ng aming tricycle ay napansin naming hindi na humihinga ang aming anak. Hinipan namin ang kanyang bibig upang bumalik ang kanyang paghinga, subalit, hindi na ito nakatulong. Nang dumating kami sa ospital ay kaagad siyang kinabitan ng oxygen ng mga doktor at sinubukang i-revive. Matapos ang ilang beses na pagtatangkang isalba ang buhay ng aming anak ay sinabihan kami ng doktor na bigo sila at doon nga ay idineklarang dead-on-arrival ang aming anak.” (Binigyang-diin)
Hindi ikinakaila ng mga magulang ni Mary Joy na pumayag sila na mapabakunahan ng Dengvaxia ang kanilang anak. Proteksiyon laban sa dengue ang alam nila hinggil sa nasabing bakuna, maliban dito ay wala na at isa na rito ang maaaring maging epekto nito sa nabakunahan. Ang sabi ng mga magulang ni Mary Joy: “Pumayag kaming mapabakunahan siya ng Dengvaxia sa kagustuhan naming siya ay maproteksiyunan laban sa dengue infection. Sinabihan lamang kami ng aming anak na kailangan naming pirmahan ang papel na kanyang iniabot sa amin upang magbigay-pahintulot sa pagbabakuna sa kanya ng Dengvaxia. Hindi kami sinabihan kung kailan ang mga araw ng pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia. Maliwanag na napagkaitan kami ng oportunidad para malaman kung ano ang puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aming anak.” (Binigyang-diin)
Naniniwala ang mga magulang ni Mary Joy na may kapabayaan at kawalan ng pag-iingat na naganap sa pagbabakuna ng Dengvaxia na humantong sa maraming buhay ng kabataan na nalalagay sa panganib ngayon at nawala kabilang na ang pinakamamahal nilang anak. Dahil dito, nais nilang mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral. Kaugnay nito, lumapit sila sa PAO at hiniling sa inyong lingkod ang libreng legal na tulong ng aming tanggapan upang masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ng kanilang anak na si Mary Joy.

Sa mga pagpaparamdam ni Mary Joy at ng mga tulad niyang pumanaw na biktima, may mga naniniwala na maaaring hindi nila alam na patay na sila o maaaring hindi nila matanggap ang nangyari sa kanila dahil sa napakapait na sirkumstansiyang bumabalot sa kanilang pagpanaw kaya sila ay humihingi ng katarungan.
Sinisikap namin sa PAO na maibigay sa mga biktima at kanilang pamilya ang minimithi nilang hustisya. Kamakailan lamang ay nakamit ng PAO para sa nasabing mga biktima ang sumusunod na tagumpay sa yugtong ito ng aming laban.
Noong nakaraang buwang ng Mayo (iba’t ibang petsa), kinatigan ng anim (6) na branches ng korte sa Quezon City ang Motion for Consolidation ng PAO hinggil sa Dengvaxia civil cases sa Regional Trial Court (RTC) Branch No. 226 na pinangangasiwaan ni Judge Manuel Sta. Cruz, Jr., Presiding Judge. Ang nasabing mga korte at partikular na kaso na orihinal na nakasampa sa kanila na nag-isyu ng order hinggil sa consolidation ng civil cases laban sa mga defendant sa sala ni Judge Sta. Cruz ay ang mga sumusunod:
Korte Kaso/Mga Kaso Branch 81 Castroverde Branch 84 Guerra at Bautista Branch 100 Silverio Branch 104 Casona, Arugay, Racuya, at De Guzman Branch 215 Mainit at Vasquez Branch 220 Asuncion
Sa pamamagitan ng order na inisyu ng Quezon City RTC Branch 226 noong Marso 20, 2019, na-dismiss ang Motions to Dismiss ng Sanofi Pasteur, ang gumawa ng Dengvaxia vaccine at ng Zuellig Pharma, ang local distributor ng nasabing bakuna.
Ito ay may kaugnayan sa civil suit for damages na isinampa sa nasabing mga akusado ng PAO para sa heirs ng yumaong si Abbie Hedia.
Nawa ay makapagpakalma kay Mary Joy at sa mga tulad niyang biktima sa kabilang-buhay ang mga bunga ng pagpupunyagi naming mga patuloy na nagbibigay-halaga sa kanila at sa sinapit nila.
Inaasahan namin na madurugtungan ang mga tagumpay na ito ng magigiting na mandirigma ng katarungan.
(Itutuloy)





Comments