Student fare discount, bantay-sarado


Sa pagbabalik-eskuwela, nagbabalik din ang paboritong linya ng mga estudyante na “bayad po, estudyante”, tuwing papunta sa paaralan at pauwi sa kani-kanilang bahay.
Gayunman, minsan, mayroong mga pasaway na tsuper na patay-malisya o tila walang naririnig kaya hindi nabibigyan ng diskuwento ang mga estudyante, senior citizen o person with disability (PWD) na pasahero.
Hiniling ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mahigpit na pagpapatupad ng student fare discounts sa lahat ng uri ng public utility vehicles (PUV).
Ayon sa ahensiya, dapat maging patas ang mga drayber sa pagbibigay ng 20% na diskuwento sa mga mag-aaral, senior citizen at PWD.
Dapat din umanong magbigay ng discount ang mga taxi, FX at ride-sharing application.
Samantala, isusulong sa 18th Congress ang panukalang-batas na magtatatag ng Commuter’s Welfare Fund kung saan ilalagay ang mga makokolektang multa na gagamitin para sa mga biktima ng aksidente sa kalsada.
Payo ng ahensiya, kung sakaling makaengkuwentro ng pasaway na drayber, agad itong ipagbigay-alam sa mga awtoridad para maturuan ng leksiyon ang mga ito.
Maliit na halaga man ang naitatabi dahil sa diskuwento sa pasahe, siguradong malaking tulong ito, partikular sa mga mag-aaral. Kaya sa mga tsuper, maging patas tayo!





Comments