DEFENDING CHAMP SAN JUAN KNIGHTS GO-FOR-GOLD READY NA SA MPBL

HANDA na ang San Juan Knights-Go for Gold sa kanilang kampanya sa darating na MPBL Lakandula Cup na magbubukas sa Hunyo 12. Nanatili ang karamihan sa mga naglaro para sa Knights sa nakaraang Datu Cup kung saan nagkampeon ang koponan laban sa Davao Occidental Tigers.
Nagdagdag din ng mga manlalaro ang Knights upang lalo pang mapalakas ang koponan sa pagpirma nina Andoy Estrella, Jessie Saitanan at Renzo Subido. Sa isang press conference kahapon, ikinatuwa ng San Juan team ang mga naganap sa koponan noong offseason. Nangako na ang koponan na ibibigay ang lahat para sa darating na season ng MPBL.
“I heard some of the teams are reinforcing at nagpalakas talaga. Ang aming team ay intact pa rin. May mga iba kaming kinuha para magpalakas. I gave the blanket authority to the coaching staff led by coach Randy Alcantara to give me a formidable and competitive team this coming Lakandula Cup. I assure you that the San Juan Knights will always be a competitive and formidable team this coming season. We would also like to thank Sen. Manny Pacquiao for putting up this league na alam ko maraming matutulungan ang ligang ito,” saad ni team owner Jinggoy Estrada.
Siniguro rin ni Alcantara na gagawin ang lahat para makuhang muli ang titulo sa MPBL.
“‘Yung samahan na nabuo doon inside and outside the court, iba ‘yung samahan ng team na ‘yun. Talagang gumagawa kami ng event or kahit simpleng lunch o dinner para magkakasama ‘yung team. Pagdating sa court, alam na nila. Tinginan lang at amuyan lang, nagkakaintindihan na. This coming season, itutuloy lang namin ang ginagawa namin,” ani Alcantara.
Samantala, asahan na ang mas mabagsik, mabangis at gutom na Mindoro Tamaraws team na aaksiyon sa MPBL.
Isa sa expansion team ng liga ngayong season, pakay ng Tamaraws na manorpresa sa lahat ng fans ng sumisikat nang regional amateur basketball league sa kabila ng kakulangan ng ex-pros sa koponan. Ipinakilala ni Justin Tan, co-team owner ng squad at ang kanilang LGU partner na si Doy Leachon ng Calapan, Oriental Mindoro ang team at ibibigay ang buong lakas sa game season kung saan ay may halos 30 nang kalahok na squad ang naturang liga.
“We still lacked experienced. Pero hindi ko rin masasabing ganu’n kasi halos buong buhay naman nila naglaro sila ng basketball. The only difference is hindi sila masyadong nabigyan ng opportunity. Mas gutom itong team na ito. Gutom itong mga Tamaraws na ito. Expect n’yo na lalaban kami throughout. Talagang papalag kami,” ayon kay Tan, dating miyembro ng La Salle Greenhills coaching staff.
Hinikayat ni Leachon ng lahat ng miyembro ng team na patatagin ang kanilang monicker na Tamaraws.





Comments