1.51 milyong miyembro ang natulungan dahil sa LRP
Bulgarific
HELLO, Bulgarians! Tinanggal ng Social Security System (SSS) ang halos P9.5 bilyong multa sa mga short-term loan sa mahigit na 658,000 miyembro nito sa ilalim ng ikalawang Loan Restructuring Program (LRP). Hinimok ang mga miyembro na nag-apply sa programa na magbayad ng kanilang restructured loan sa itinakdang-oras.
Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio na ang programa na tumatakbo mula noong April 2018 hanggang April 2019 ay muling nag-restructure ng P10.9 bilyong halaga ng pautang at nagtala ng P4.4 bilyong halaga ng kita.
”Ang mga miyembrong nabayaran na ng buo ang kanilang kabuuang utang sa pamamagitan ng LRP ay maaari ng umutang muli pagkalipas ng anim na buwan mula sa araw ng kanilang pagbabayad. Wala na silang pangamba na maaaring mabawasan ang benepisyong kanilang makukuha sa darating na panahon tulad ng kanilang retirement pension. Hinihikayat namin ang mga kasalukuyang nagbabayad ng kanilang restructured loans na siguraduhing makapagbabayad ng kanilang utang sa tamang oras upang muli rin nilang maibalik ang kanilang magandang estado sa ahensiya,” sabi ni Ignacio.
Unang ipinatupad ng SSS ang LRP noong April 28, 2016 hanggang April 27, 2017 upang matulungan ang mga miyembrong naapektuhan ng kalamidad na nahihirapang makapagbayad ng kanilang utang tulad ng salary, emergency, educational (old), Study-Now-Pay-Later Plan, Voc-Tech at Investment Incentive.
Sa unang implementasyon nito, nakapag-restructure ang SSS ng P13.8 bilyong utang at nakapagtanggal ng P13.5 bilyong multa na napakinabangan ng mahigit sa 856,000 SSS members. Kumita rin ang ahensiya ng P5.8 bilyon mula rito.
Habang ang unang LRP ay nakapagtala ng magandang resulta, marami pa ring mga miyembro ang hindi nakapag-apply sa programa at humiling ng panibagong LRP. Kaya naman, binuksan ng SSS ang ikalawang implementasyon ng programa na may pagsang-ayon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Ignacio na sila ay natuwa sa naging resulta ng dalawang LRP, lalo na sa bilang ng mga miyembrong tumangkilik dito. Nalagpasan ng unang LRP ang target na bilang ng mga availee ng 68% at 29% naman ang naitala ng pangalawang LRP.
“Nauunawaan ng SSS na ang mga kalamidad ay ang nagiging dahilan kaya nahihirapang makapagbayad ang mga miyembro ng kanilang utang. Natutuwa tayong sa pamamagitan ng LRP, mahigit na 1.51 milyong miyembro ang natulungan ng ahensiya na naapektuhan ng iba’t ibang kalamidad upang mabayaran ang kanilang utang,” dagdag pa ni Ignacio.
♥♥♥
For event invitations, please, email bulgarific@ gmail.com or PM us on our Facebook page.
Got to go! It’s so Bulgarific!
xoxo





Comments