GOMEZ, CHAMPION SA 9-BALL, KIAMCO, 2ND SA ONE POCKET

NAGPARAMDAM ng husay ang mga Pinoy cue artists na sina Warren “The Warrior” Kiamco at Roberto “Superman” Gomez sa magkakaibang lugar sa U.S. nang makakuha sila ng mga upuan sa podium.
Hinablot ni Kiamco, pambato ng Cebu, ang 2nd place sa 2019 US Open One Pocket at 3rd place sa 2019 US Open Straightpool sa palaruan ng Griff’s sa Las Vegas, Nevada. Ang runner-up finish sa One Pocket ay may kaakibat na gantimpalang $5,000. Pumang-apat din siya sa 2019 US Open Bank Pool na bakbakan at naging sapat ito para makuha niya ang 3rd place overall sa tatlong event na torneo.
Samantala, matagumpay na naipagtanggol ni Gomez ang 9-ball na trono matapos talunin sa championship showdown si Kuwaiti gem Omar Alshaheen sa taunang Buffalo’s Pro Classic sa palaruan ng Griff’s sa kahabaan ng Bloomfield sa Jefferson, Los Angeles.
Bukod sa 40-anyos na si Gomez, swak din sa winners’ circle ang mga kababayan na sina Dennis “Robocop” Orcullo at Francisco “Django” Bustamante na nagsosyo sa 3rd place ng torneong nilahukan na may kabuuang 128-bilyarista at nilapatan ng “double elimination”, “alternate break” at “rack your own” na mga tuntunin.
Ang tagumpay sa 9-ball ni Gomez sa panglimang edisyon ng torneo, na nagkakahalaga ng $2,000, ay nagsilbing isang grandslam dahil noong 2017 ay siya rin ang nangibabaw dito.
Samantala, dugong Pinoy din ang naging dominanteng puwersa sa paligsahan dahil ang naghari sa One Pocket na bakbakan ay ang pambato ng Isabela at dating world champion na si Alex “The Lion” Pagulayan na ngayon ay nakabase sa Canada.





Comments