Malinaw ayon sa birthday... LALAKING NAKATAKDANG MAGKAROON NG MATAGAL NA RELASYON KUNG MATUTUTONG MA

Dear Maestro,
Bakit kaya kahit hindi ako taong tres o isinilang sa mga numerong 3, 12, 21 at 30 tulad ng madalas ninyong sabihin ay bigo rin ako sa pag-ibig?
October 31, 1992 ang birthday ko at napapansin kong hindi ako suwerte sa pagkakaroon ng girlfriend? Nagkaka-GF ako, pero, bakit kaya nawawala rin?
Marami na akong naging girlfriend at ang kasalukuyan ay parang malabo na rin.
Ano ang dapat kong gawin para mapanatili ko ang magandang relasyon?
Sa palagay ninyo, compatible ba kami ng kasalukuyan kong girlfriend na isinilang noong July 2, 1993?
Umaasa,
Edwin ng Sabang, Baler, Aurora
Dear Edwin,
Malamang hindi ka marunong mag-alaga ng girlfriend o kaya ay maaari ring hindi ka marunong mag-manage ng relasyon, kaya ang nangyayari kahit nagkaka-girlfriend ka ay mabilis din itong nawawala sa iyo.
Alam mo, ang pagkakaroon ng girlfriend ay para ring pag-aalaga ng paborito mong hayop. Dapat inaalagaan mo siya, hina-hug at kina-cuddle, hindi lang physically, bagkus, ang mas mahalaga ay emotionally.
Ibig sabihin, hindi mo siya dapat pinagagalitan nang wala sa lugar o binibigyan ng sama ng loob. Siyempre, tulad ng pag-aalaga ng hayop, kailangang sensitive ka sa kanyang mga pangangailangan, lalo na sa aspetong pang-emosyunal, gayundin, sa pampinansiyal.
Tinatawagan mo ba araw-araw ang girlfriend mo para kumustahin tunkol sa kanyang kalagayan? Dapat paggising mo sa umaga, tawagan mo siya kaagad at sabihing “wala lang mahal, na-miss lang kita.”
Pagkatapos, pagdating nang gabi, bago siya matulog dapat ay magpaalam ka sa kanya, halimbawa, magsabi ka ng “goodnight, sweet dreams” at iba pa.
Kung paborito niya ang flower, dapat every week binibigyan mo siya nito. Mas maganda kung iba’t ibang kulay ng bulaklak na paborito niya. Halimbawa, rose na red, rose na pink, rose na yellow at puwede ring rose na blue. Basta, kailangang maipadama mo sa kanya na mahalaga siya at ang kaligayahan lamang niya ang hangad mo.
Pagkatapos, kailangan mo ring alamin ‘yung mga lugar na gustung-gusto niyang puntahan. Kahit ayaw mo ru’n, kailangan mo siyang ipasyal sa nasabing mga lugar dahil ang kaligayahan niya ay dapat maging kaligayahan mo na rin.
Kapag magkasama kayo, huwag mo siyang kalilimutang halikan at yakapin, lalo na bago kayo magpaalam sa isa’t isa. Ang mga babae ay nangangailangan din ng init ng pagmamahal.
Dapat hindi mo rin sinasaktan ang kanyang damdamin, lalo na kapag nag-aaway kayo o kaya ay mayroon kayong hindi pagkakaunawaan.
‘Yun kasi ang pinakamaselang sandali sa relasyon, kapag may mga bagay kayong pinagtatalunan o pinagkatampuhan.
Tandaan mo, lahat nang relasyon ay nawawasak o nauuwi sa hiwalayan kapag may dahilan silang hindi mapagkasunduan. Sa totoo lang, kung mahal mo ang tao, puwede kang magbigay o magparaya.
Sa pagpaparaya, ru’n lumulutang ang mas matinding pag-ibig mo sa kanya habang kung palagi ka namang nakikipagdiskusyon at ayaw mong magpatalo, ru’n lumulutang ang pagiging makasarili.
Hindi lang makasarili dahil palagi kang nakikipagtalo sa mahal mo, ibig sabihin, makitid ang utak mo dahil kaunting bagay lang ayaw mo pang magpatalo, eh, samantalang, ang “tatalo naman sa iyo” ay ‘yung taong mahal mo!
Kaya sa pag-ibig, kapag nilimot mo ang iyong sarili, alang-alang sa iyong minamahal, doon ka lang ganap na liligaya kung saan matapos kang magparaya at magbigay, wagas at dalisay ka niyang mamahalin hanggang sa makabuo kayo ng masaya at panghabambuhay na pagmamahalan.
Tandaan mo, Edwin, gayundin sa iba pang mga lalaki na nagbabasa ng artikulong ito, alagaan ninyo ang inyong girlfriend.
Palagi n’yo silang kakausapin, yayakapin at ang pinakamahalaga sa lahat, pakakainin at bibigyan ng mga paborito nilang pagkain tulad ng chocolate, cake, ice cream, pizza at iba pang matatamis na paborito nila.
Makikita mo, kapag ginawa mo ang mga simpleng suhestiyong nabanggit na sa itaas, hinding-hindi ka iiwanan ng iyong girlfriend kahit dumating pa ang panahong kapwa bungal na ang inyong mga ngipin at maputi na ang inyong buhok.
Sabi nga ni David Ray Wilkerson, American Christian Evangelist: “Love is not only something you feel. It is something you do.”
Ibig sabihin, ang tunay na pagmamahal ay hindi lang dahil masaya ka kasi mahal mo siya.
Ganito naman ang sabi ni Wilhelm Van Lubreitz, German Philosopher: “To love is to place our happiness in the happiness of another.”
Sa madaling salita, “ang tunay na pag-ibig ay hindi ang pag-intindi mo sa sarili mong kaligayahan kundi ang pag-intindi mo sa kaligayahan ng iyong minamahal.”




Comments