ELLOSO SA KORONA NG TACURONG RAPID CHESS

HINDI lumihis sa anunsiyo ang tinedyer at topseed na si Michael Elloso upang matagumpay na maiuwi ang korona ng Tacurong City FIDE Rated Rapid Chess Tournament sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Nadungisan ang kartada ng 17-anyos na kampeon nang dumapa ito sa kamay ni 4th-ranked Marc Jason Comendador sa 4th round pero maliban dito ay isang dosenang panalo ang naiposte ni Elloso.
Kasama sa mga nahugutan niya ng buong puntos tungo sa kabuuang 12.0 puntos ay sina Kimberly Secretario (rd.1), Jeof Ezekiel Dalanon (rd. 2), Knarf Lawrence Batislaong (rd. 3), Jimwarren Julom (rd. 5), Josh Arone Dalanon (rd. 6), Reyald Ecija (rd. 7) at iba pa.
Katulad ni Elloso ay nakaipon din si Batislaong, 3rd sa pre-tournament favorites, ng 12.0 puntos pagkatapos ng 13 rounds pero pumangalawa siya dahil sa mas mababang puntos na naisumite nang lapatan na ng tuntunin sa tiebreak.
Kalahating puntos sa likod nina Elloso at Batislaong si Comendador na humablot ng huling upuan sa podium.
Nakaiskor ng 11 panalo, isang tabla at isang talo sa paligsahan.
Samantala, sa PRISAA National Games na nasasaksihan sa Davao, hawak ng Region 7 (may natipong 17.0 puntos) ang trangko habang nakabuntot ang Region 11 (nakaiskor ng 16.5 puntos) sa penultimate round sa Men’s College bracket.
May kalayuan na ang tumeterserang Region IV-A na nakapagsumite pa ng 14.5 puntos pagkatapos ng 6th rounds.





Comments