Sa mga ibinulgar na baho ng network… SIGAW NI JIMMY: ABS-CBN, SAGOT!


HUMINGI na ng dispensa si Jimmy Bondoc kay Angel Locsin dahil sa naging engkuwentro nila sa social media kamakailan.
Sa panayam ni Mocha Uson kay Jimmy na in-upload ng una sa kanyang YouTube channel last Sunday (May 26), sinabi ng singer — na ngayon ay nanunungkulan bilang Vice-President for Corporate Social Responsibility Group ng PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corporation) — na buung-buo ang respeto niya para kay Angel.
“Una sa lahat, buung-buo po ang respeto ko sa inyo bilang babae, bilang kapwa entertainer,” ang simula ni Jimmy. “Ayoko kasi ng diskusyon na hindi harapan. Diyan po nagmumula ang maraming problema ng bayan natin. Hindi nakukuha ang buong side ni Ma’am Angel, at malamang hindi rin nakukuha ‘yung buong side ko.”
Patuloy ng dating singer, kung nasaktan man daw niya si Angel at iba pang mga artista, humihingi siya ng paumanhin.
“So, ang message ko lang is, kung ano po man ‘yung personal na nasaktan sa kanya du’n sa message ko at sa mga kapwa niya artista, paumanhin po dahil walang-wala pong ganu’ng patungkol ‘yung aking message.”
Pero kasunod nito ay may bago naman siyang mensahe sa network na kanyang kinukuwestiyon na hindi man tinukoy, malinaw namang ABS-CBN ito.
“Sana, sagutin din nila ‘yung totoong point ng post, which is bakit meron tayong ganitong sistema ng kapangyarihan sa media na kahit ano yata, parang puwede na nilang sabihin. Sa kahit ano’ng paraan, kahit sinong sagasaan, kahit sinong mawalan ng trabaho. Hindi ko po maintindihan ‘yun,” patuloy pa ni Jimmy.
Pakiusap pa niya kay Angel, sana ay huwag na itong magalit sa kanya.
“Ma’am, ‘yun lang po ‘yung point ko Ma’am. ‘Wag na kayong magalit sa akin, Ma’am. Talagang kawawa ako sa mga katulad ninyo, napakasikat ninyo, wala akong laban. Ako po’y hamak na government employee,” saad pa ni Jimmy.
Muli ay humingi siya ng dispensa sa aktres.
“Sorry sa personal na aspeto, pero the professional aspect, sana ho, sagutin nila, hindi po kayo, kasi wala ho akong personal na quarrel kahit kanino sa inyo. Sana po, sagutin nu’ng network,” pagtatapos ng dating singer.
Kami man ay hindi namin maintindihan ang ipinupunto ni Jimmy. Tinanong niya kung bakit daw may ganitong kapangyarihan na kahit ano ay puwedeng sabihin.
Parang ang dapat isagot sa kanya ay “Look who’s talking?” dahil siya nga itong nagsimulang mag-post ng mga harsh na salita at akusasyon na napakaraming nasagasaan. Siya nga itong may kapangyarihan na marahil kaya nakapagsalita nang ganito kahit wala naman siyang matibay na pruwebang inilalabas.
Siguro ay mas dapat mag-concentrate si Jimmy ngayon sa paghahanap ng ebidensiya para patunayan niya ang kanyang claim na may sexual favors, politics at nilutong contest na nagaganap sa network.
Kapag meron na, saka pa lang namin maiintindihan ang kanyang punto at saka pa lang namin mahahangaan ang kanyang pagiging matapang.





Comments