Kahit bagay na bagay daw sa kanya… NADINE, INISNAB ANG AUDITION NG DARNA
- BULGAR

- May 27, 2019
- 2 min read

SA kabila ng pagkakapili sa kanya ng dating direktor ng Darna na si Erik Matti para gumanap sa Pinay superhero character dahil bagay na bagay daw ito sa kanya, hindi pala nag-audition si Nadine Lustre rito.
Paliwanag sa amin ng aktres nang makapanayam namin siya kasama ang boyfriend na si James Reid sa nakaraang Myx Music Awards 2019, walang sinabi sa kanya ang Viva na mag-audition pero kung nakatanggap siya ng utos ay gagawin naman niya ito.
Nag-viral ang lumabas na video kung saan sumigaw si Nadine ng “Darna!” habang nakasuot ng headdress ng Pinay superhero. Ayon kay Nadine, dahil ito sa vlogger friend niyang si Donnalyn Bartolome na matagal niyang ‘di nakita kaya ginawa niya ito nang hilingin sa kanya ng kaibigan.
Samantala, hiningan naman namin ng reaksiyon si James Reid sa patuloy na pagkuwestiyon sa kanya ng marami na wala diumano siyang karapatan na maging isa sa mga hurado sa Idol Philippines.
Inamin ni James na mahirap na trabaho ang maging hurado ng show na ito dahil ibinabase lang naman nila ang pipiliin sa performance na ibibigay sa mismong audition. Kaya payo ni James, kailangan ay ibigay na ng contestant ang pinaka-best niya sa naturang audition.
Proud na proud naman si James sa apat na awards na nakuha ni Nadine sa 2019 Myx Music Awards. Mismong nu’ng tinawag na ang pangalan ng aktres bilang winner, saka naman dumating ang dalawa sa mismong venue.
Kabi-birthday lang ni James nu’ng nakaraang May 11 kung saan ginanap ito sa El Nido Palawan kasama ang mga taong malalapit sa kanila. Si Nadine pala ang nagplano ng trip at para kay James ay mas importante ang ginawang effort ng kasintahan kesa sa anumang materyal na bagay.
Kapansin-pansin lang sa video na in-upload namin sa aming YouTube channel ang mga komento ng mga netizens — na ang karamihan ay mga JaDine fans — tungkol sa maumbok daw na pisngi ni Nadine kaya ang hinala ng iba, nagparetoke ang aktres.





Comments