MAY TSANSA KAYA ANG ‘PINAS SA ASIA RUGBY? ABANGAN

MALALAMAN na kung alin sa Sri Lanka, Singapore, Taiwan at ang nagtatanggol na kampeong Pilipinas ang may karapatang pumasok sa championship face-off sa Division 1 ng prestihiyosong continental joust na tinaguriang Asia Rugby Championship na gaganapin sa Taipei Municipal Stadium ng Taiwan simula Miyerkules, Mayo 29 hanggang Sabado, Hunyo 1.
Nakahambalang sa landasin ng Philippine Volcanoes ang Sri Lankan Tuskers habang bakbakang Singapore - Chinese Taipei ang masasaksihan sa kabilang hati ng semifinals. Dehado ang pambato ng bansa kung pagbabasehan ang world rankings dahil ang Sri Lanka ay nasa pang-44 na puwesto sa kartadang 47.37 puntos samantalang ang Volcanoes ay nakaluklok sa pang-53 baytang dahil sa rekord na 45.16 puntos. Limang beses nang nagharap ang dalawang bansa simula pa noong 2012. Nakakadalawang panalo na ang Pilipinas.
Pero sariwa ang Volcanoes sa pagtatala ng kasaysayan matapos itong makapasok sa pinakaunang pagkakataon sa quarterfinals ng HSBC World Rugby Series Qualifiers na ginanap sa Hongkong. Ito ay naisakatuparan nang pataubin ng Pilipinas ang Zimbabwe Sables sa huli nilang laro sa world stage sa iskor na 24-12.
Ang tagumpay ay mas nakakabilib matapos silang maiwanan sa iskor na 0-5. Nakabawi ang Volcanoes sa puntong 10-5 pero hindi nagpabaya ang Zimbabwe at muling kinuha ang kalamangan, 10-12.
Nauna rito, nag-qualify ang Pilipinas sa torneo pagkatapos ng matagal na pagkaliban nang pumangatlo sa Asian Rugby Series. Taong 2013 pa nang huling nakapaglaro ang Pilipinas sa world stage.





Comments