'Ika nga, tipid-tipid din 'pag may time... 5 TIPS NGAYONG BACK-TO-SCHOOL NA SINA BAGETS
- Thea Janica Teh
- May 26, 2019
- 2 min read
Bulgarific Lifestyle

ILANG araw na lang ay mag-uumpisa na ang klase ng mga estudyante. Kabi-kabila na ang pagbili ng school supplies na gagamitin sa buong school year! Ready na rin ba ang panggastos nina mommy at daddy? Kung hindi pa, ito ang ilan sa tipid-tips na puwede nating gawin. Pero bago ‘yun, maglista muna ng school supplies na kailangan ni bagets. Alamin, ang mga designated na kulay ng notebook sa bawat subject, books at uniform.
1. MAG-SET NG BUDGET. Para sa mga nanay at tatay natin, mag-set na ng budget para sa school supplies ni bagets. Mabuting gumawa ng listahan at siguraduhin na ang mga kakailanganin lamang ang bibilhin para may matira pang ekstrang pangkain sa fastfood chain.
2. REUSE & RECYCLE. Ang mga notebook na spiral na wala pang sulat o space na hindi pa nagagamit ay puwede pang pagsama-samahin para makagawa ng panibago. Tahiin lamang ito gamit ang yarn at hairpin o ang spiral na tinanggal, oh, ‘di ba, may bago ka na ulit notebook? Kung may budget naman pambili ng bago, mas mainam na bumili ng assorted colors na notebook para hindi na kailangan pang balutin ng colored papers. Tipid na sa gastusin, less hassle pa.
3. ANG PAMANA. Kung hindi na kasya kina ate at kuya ang uniform nila, maaari pa itong ipamana sa kanilang nakababatang kapatid, kapitbahay o kaibigan. Super sulit nito at kahit hindi na bumili ng bago. Hindi lang uniform ang puwedeng ipamana, puwede rin ang mga libro.
4. BIG SALES AND PROMOS. Siguradong kabi-kabila ang bilihan ngayon ng school supplies, kaya kung sa tiangge o Divisoria kayo mamimili, siguraduhing aagahan ninyo ang pagpunta. Bukod sa kakaunti pa ang tao, baka matuwa sa inyo ang mga tindera at bigyan kayo ng discount dahil buwenamano kayo sa kanila.
5. QUALITY OVER QUANTITY. Lahat tayo ay gustong makatipid, lalo na ngayong magpapasukan na dahil bukod sa gastos sa pagbili ng school supplies ay magsisimula na rin ang pagbibigay ng baon. Ngunit, minsan, sa sobrang pagtitipid ay hindi na natin pinapansin ang quality ng ating binibili tulad ng ballpen, crayons at notebook. Huwag magpasindak sa super murang school supplies dahil baka may masama itong epekto sa mga bagets. Nakatipid nga kayo, sa ospital naman kayo mapapagastos.
Kaya sa mga bes nating malapit nang magbalik-eskuwela, alam nating excited na kayong gamitin ang bago ninyong mga gamit. Kaya bilang kapalit sa lahat ng sakripisyo nina mommy at daddy ay mag-aral kayong mabuti at maging mabuting estudyante at anak sa kanila.




Comments