TUBID AT NABONG, SUSPENDIDO AT MAY MULTA PANG P75-K

PINATAWAN ng three-game suspension at multang P75,000 sina Ronald Tubid at Kelly Nabong sa kanilang pagkakasangkot sa tinaguriang ‘Spiderman incident’ noong Game 5 ng PBA Philippine Cup Finals.
Kasama rin sa mga nabigyan ng parusa sa naturang insidente sina Daniel Henares, assistant team manager ng San Miguel at Dr. Ramon Ibañez. Sila ay pinagmulta ng P50,000 at suspendido rin ng dalawang laro. Napatawan ng parusa sina Tubid at Nabong dahil sa magkahiwalay na insidente na nangyari matapos tumakbo sa court ang isang lalakeng nakasuot ng Spiderman na costume.
Nahuli si Tubid matapos suntukin ang lalakeng pinangalanang Paolo Felizarta habang ito ay hawak na ng mga bouncers ng Smart-Araneta Coliseum. Nasangkot din si Nabong matapos manuntok ng inakalang kasabwat ni Felizarta sa insidente.
Hindi pa malinaw sa ngayon kung ano ang naging parte ni Henares at Ibañez sa insidente.
Pinatawag kahapon ni PBA commissioner Willie Marcial ang apat na nasangkot sa insidente bago ito nagbigay ng parusa.





Comments