Malinaw ayon sa palad... BABAENG NAKATAKDANG MAGING CAREGIVER


KATANUNGAN
Dati na akong nag-abroad sa Hong Kong at ngayon ay nag-a-apply akong caregiver sa Europe. Itatanong ko lang kung matutuloy ba ako?
Kung sakaling hindi ako matuloy, saang larangan kaya ako uunlad at yayaman, sa pagnenegosyo o pagtatrabaho?
Ang dati kong trabaho sa Hong Kong ay D.H. at nang matapos ang kontrata ko ay nag-training ako para maging caregiver, magtatagumpay kaya ako sa larangang ito?
Sa totoo lang, sa aming magkakamag-anak kami na lang ang mahirap, halos lahat dito sa compound namin ay may mga kaya na sa buhay. Kaya sana sa pagke-caregiver kong ito ay maiangat ko na ang kabuhayan namin. Magtatagumpay kaya ako sa simpleng pangarap kong ito?
KASAGUTAN
Walang problema, Carmie, sa pinapangarap mong maging caregiver sa Europe, ito ang nais sabihin ng ikalawa at mas malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa walang lubay na pangingibang-bansa higit kang aasenso at sasagana kaysa sa pagtatrabaho dito sa lokal o maging sa pagnenegosyo man.
Ang pag-aanalisang mas papalarin ka sa abroad, lalo na sa Europe ay madali namang kinumpirma ng maaliwas at maganda mong lagda. Tanda na sa panahon ngayon, nasasagap na ng unconscious mong pagkatao na buumbuo ang loob mo at anuman ang makursunadahan mong gawin, tiyak na ito ay iyong mahahablot at makakamit at walang dudang magkakaroon ng positibong katuparan.
MGA DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Carmie, ang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ay hindi pa magaganap ngayong 2019 kundi sa last quarter pa ng taong 2020.
Sa partikular, ang nasabing pagke-caregiver sa Europe ay magaganap sa buwan ng Oktubre, sa edad mong 32 pataas at ang nasabing pangingibang-bansa ay magbibigay sa iyo ng tuluy-tuloy na pag-unlad sa larangan ng materyal na bagay hanggang sa hindi masasabing napakayaman kundi medyo aangat na ang kabuhayan ng iyong pamilya kung ikukumpara sa iba mo pang mga kamag-anak at kapitbahay (F-F arrow b., H-H arrow c.), gayundin, tuluyan ka nang aasenso at uunlad.




Comments