top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Malinaw ayon sa birthday... MAG-ASAWANG NAKATAKDANG YUMAMAN SA TAONG 2025

Writer: BULGAR
BULGAR
May 22, 2019
3 min read

Dear Maestro, Kaya ako sumulat sa inyong kolum dahil gusto kong malaman ang masusuwerteng kulay, araw at batong hiyas na hahatak ng magandang kapalaran para sa aming pamilya.

Dati na akong nag-abroad, kaya lang, isang taon lang ako ru’n at hindi ako tumagal habang ang mister ko naman ay company driver.

Sana ay magabayan ninyo kami kung paano kami yayaman at uunlad para sa kinabukasan ng aming dalawang anak.

June 29, 1988 ang birthday ko at September 17, 1982 naman ang mister ko.

Umaasa, Susan ng Graceville, SJDM, Bulacan

Dear Susan, Cancer ang zodiac sign mo sa birth date na 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2) sa destiny number na 7 (6+29+1988= 2023/ 20+23=43/ 4+3=7) habang si mister naman ay Virgo sa birth date na 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8) sa destiny number na 1 (9+17+1982=2008/ 20+08 =28/ 2+8=10/ 1+0=1).

Ano ang ibig sabihin ng mga numerong nabanggit na sa itaas? Sinasabi nito na “weak” ang birth date mong 2 habang strong naman ang birth date na 8 ni mister. Ibig sabihin, uunlad at sasagana ang inyong buhay kung si mister ang tututok sa paghahanapbuhay.

Halimbawa, imbes na ikaw ang mag-abroad, si mister naman ang pag-abroad-in mo o kaya imbes na ikaw ang nag-iisip ng paraan kung paano kayo yayaman at uunlad, kailangang si mister ay ganundin — siya dapat ang mag-isip at magsikap kung paano uunlad at aasenso ang inyong kabuhayan.

Sa eksaktong salita, kailangan mas maging “eager” sa iyo ang mister mo na makaahon kayo sa kahirapan. ‘Ika nga, “gigil o may passion” dapat si mister na yumaman dahil kung ikaw lang ang nagsisikap at nagpupursiging umunlad kayo, gayung hindi naman nagsisikap o nagpupursigi si mister ay wala ring mangyayari sa inyo.

Hindi rin puwedeng patas o pareho lang ng degree o sigasig ng pagsisikap ang ibigay ninyong dalawa, sa halip, ang kailangang-kailangan ay mas maging masigasig sa iyo si mister sapagkat sa mga numero at kapalaran niya, nakasalalay ang inyong pag-unlad at pagyaman.

Oo, wala sa iyo sapagkat tulad ng mga nakaraang pangyayari, nakapag-abroad ka nga, pero isang taon lang ito dahil hindi ka nakatagal, oh, ‘di ba, parang wala ring nangyari?

Subalit, kung susubukan ninyong si mister naman ang magmando o humawak ng manibela ng inyong buhay at kabuhayan, makikita mo, mas madaling uunlad at sasagana ang inyong kabuhayan.

Mapalad ang kulay berde at dilaw sa inyong mag-asawa. ‘Yan ang palagi ninyong gamiting kulay upang magtuluy-tuloy na ang pasok ng suwerte at magandang kapalaran sa inyong buhay. Buwenas naman ang mga araw ng Linggo, Lunes at Sabado.

Ang batong moonstone o kaya ay agate ang siyang hiyas na hahatak ng suwerte at magtataboy ng kamalasan. Para kay mister, ang batong sapphire o kaya jade ang siya namang mapalad na hiyas kung ipalalamuti niya ito sa silver o pilak na singsing.

Muli, palagi mong tatandaang, wala sa mga kamay at pagsisikap mo ang susi upang magtagumpay ang inyong pamilya at yumaman, bagkus, nasa mga kamay mo at pagsisikap ng iyong mister ang susi upang marating ninyo ang matagumpay at asensadong pamumuhay.

Kaya ngayon pa lang, wala kang dapat gawin kundi “i-build-up” ang pagkatao ng iyong asawa at sa sandaling ganap at buo na ang tiwala niya sa kanyang sarili, roon lamang uusbong at magsisimulang maganap ang malaon na ninyong pangarap na umunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa tuluyan na kayong yumaman na magsisimulang mangyari sa taong 2025, sa edad mong 37 at 43 naman si mister.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page