top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

BVR, HOST NG FIVB WORLD TOUR BORACAY OPEN 2019

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 20, 2019
  • 2 min read

MULING dadalhin ng Beach Volleyball Republic (BVR) ang mainit na aksiyon sa buhanginan sa FIVB Beach Volleyball World Tour Boracay Open 2019, kung saan magtatagisan ang 48 na koponan mula sa iba’t ibang panig ng mundo mula Mayo 23 hanggang Mayo 26 sa White House Beach Resort, Boracay Station 1.

Dalawampu’t walong pares ang maglalaban-laban sa Men’s Division habang 20 na koponan ang sasabak sa Women’s Division para sa torneo na pangalawang beses na gaganapin sa loob ng bansa.

Ngayong taon, binubuo ng tatlong pares para sa Men’s Division at lima naman para sa Women’s Division ang mga lalahok mula sa Pilipinas at mapapanood sa ABS-CBN Sports platform.

Lalaban sa Women’s Division sina Dij Rodriguez at BVR founder Bea Tan mula Negros; Genesa Eslapor at Belove Barbon ng UST; DM Demontano at Jackie Estiquia ng Iloilo; Fiola Ceballos at Patty Orendain mula Negros at Iloilo at ang tandem nina Bernadeth Pons at reyna ng UAAP Beach Volleyball, Sisi Rondina.

Magiging kinatawan naman sa Men’s Division ang tubong Cebu na sina Jade Becaldo at Mike Abria. Makakasama nila ang magkapares na sina Ranran Abdilla at Jesse Lopez at ang koponan nina James Buytrago at Anthony Arbasto, mula National University (NU) at University of Santo Tomas (UST).

Makakukuha ng puntos ang mga mananalong koponan sa naturang torneo at magkakaroon ng pagkakataong makasali sa prestihiyosong FIVB Beach Volleyball World Tour Finals.

Isang bagong sistema ang FIVB Beach Volleyball World Tour kung saan dapat makakuha ng star points ang mga koponan mula sa 47 na torneo para makatuntong sa FIVB Beach Volleyball World Tour Finals.

Bukod sa palakasang mangyayari sa loob ng tatlong araw, pangungunahan rin ng BVR ang isang beach cleanup drive sa Boracay at Sandroots Beach Volleyball workshop kasama ang mga kabataang nais pang matuto ng husto ng sport na beach volleyball.

Napakamatagumpay na taon ang 2018 para sa BVR, na nakapagtaguyod ng siyam na tig-dalawang araw na torneo, kung saan binisita nila ang mga probinsiya at magagandang dalampasigan nito tulad ng Ikthus beach, Ilocos Sur, White Beach, Puerto Galera, Sta. Ana Cagayan, Bantayan Cebu, Blue Beach Dagupan, Legaspi, Gran Ola Surigao, Lio Beach El Nido, at Dumaguete, maliban pa sa pagdaos ng National Championship Tourney at FIVB Beach Volleyball World Tour Leg.

Ayon kay Bea Tan, isa sa mga nagtayo ng BVR, malaking bagay ang pagtatanghal ng FIVB Beach Volleyball World Tour noong nakaraang taon at ngayong taon sa pangarap nilang kilalanin ang Pilipinas bilang sentro ng beach volleyball sa Asya.

Tinitingnan namin itong FIVB Beach Volleyball World Tour bilang pangmatagalan na proyekto. Gusto namin, taun-taon naming gagawin ito dito sa Pilipinas para mabigyan ng oportunidad ang ating mga manlalaro at makilala rin ang Pilipinas sa mundo ng beach volleyball,” bahagi niya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page