Iwasan daw ninyo ang pagdadalawang-isip... MGA KATANGIAN NA DAPAT UGALIIN NG ASO NGAYONG 2019
- BULGAR

- May 19, 2019
- 2 min read


SA pagkakataong ito, ang pangunahing katangian at sadlakang kapalaran ng animal sign na Aso o Dog ngayong 2019 ang ating tatalakayin.
Tandaang, ikaw ay mapabibilang sa Year of The Dog kung ikaw ay isinilang noong mga taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006 at 2018.
Ang Year of the Dog o Taon ng mga Aso ay pinaghaharian ng impluwensiya ng planetang Venus sa Western Astrology at ito rin ay kumakatawan sa zodiac sign na Libra.
Sinasabing, higit na matapang, buo ang loob at agresibo ang mga Aso na isinilang nang hatinggabi kung ikukumpara sa mga Asong tatamad-tamad at tutulug-tulog na isinilang sa umaga o tanghaling-tapat.
Kilala sa pagiging makatarungan at mahilig sumimpatiya sa mga inaapi at mahihirap ang Aso, kaya kadalasan, napagkakamalan silang likas na mabait at may pagkapolitiko.
Dahil sa may pagkapolitiko at mabait, madalas matagpuan ang mga Aso na humahawak ng mga tao, nagiging supervisor o kaya ay manager ng kumpanya.
Minsan, natatagpuan din ang Aso bilang revolutionary leader - nakikipaglaban siya para sa mga karapatan ng mga inaapi at inaalipin ng umiiral na sistema.
Sa career at propesyon, ang Aso ay kilala rin sa pagiging tapat at maaasahan, lalo na ng kanilang mga amo o ng mga taong nakatataas sa kanila.
Kaya kapag ikaw ay may tauhan o empleyadong isinilang sa Year of the Dog, umasa kang dahil sa pagiging tapat, masipag at dedikado nila sa kanilang trabaho, ang inyong kumpanya ay siguradong uunlad at aasenso.
Gayundin, sa pamamahala sa tahanan kung saan kung ang misis mo o ang iyong maybahay ay isinilang sa animal sign na Dog, malamang na ang inyong pamilya ay tuluy-tuloy na uunlad at magiging maligaya habang ang inyong mga anak o ang inyong tahanan ay inaasikaso ng inang Aso.
Sa pagkikipagkaibigan, sinasabing, hindi mo basta-basta makukuha ang simpatya at tiwala ng Aso dahil bago ka niya maging bestfriend, kikilalanin ka muna niyang mabuti bago niya i-commit ang loob niya sa iyo.
Subalit, kapag naging kaibigan mo na ang Aso, tulad ng nasabi na sa itaas, siya ay magiging mabuti at tapat sa iyo, habambuhay.
Sa panahong magkaibigan na kayo ng Aso, ang hindi mo dapat gawin sa kanya ay ang lokohin mo siya o kaya ay paglalangan dahil kapag ginawa mo ito sa kanya, tiyak na ikaw ay bigla niyang sasakmalin at sa kanyang paghihiganti, magugulat ka dahil sa hindi mo inaasahang sandali higit na mas magiging mapusok ang gagawin niyang paraan upang pagsisihan mo habambuhay ang ginawa mong pagkakamali sa kanya.
Sinasabi ring ang Aso ay madalas na nagdadalawang-isip at ang pagdadalawang-isip niyang ito ay nagiging dahilan upang hindi niya maisagawa ang mga bagay na kanyang binabalak.
Ito ang nakahahadlang, ang pag-aalinlangan at pagdadalawang-isip kaya ang Aso ay napagkakamalan kung minsan na medyo tamad at nagde-day dreaming, pero ang totoo, nalilito lang talaga siya kung ano ang dapat niyang gawin.
Sinasabing, kapag naiwasan ng Aso ang pagdadalawang-isip at sa halip ay aksiyon agad ang kanyang ginawa, walang duda, ang pag-unlad, tagumpay at ligaya ay mapasasakamay niya hindi lamang ngayong 2019 kundi hanggang sa nabubuhay siya. (Itutuloy)




Comments