DRAGON BOAT, NAGHAHANDA SA PAGSAGWAN SA 30TH SEAG

ISA sa water sports na inaasahang mananalo sa Southeast Asian Games ay ang Dragon Boat dahil ang mga Pinoy ay may angking husay at galing sa pagsagwan na kanilang pinatunayan sa ‘di na mabilang na international tournaments kung saan umaani sila ng maraming karangalan.
Umaasa si coach Len Escollante sa panayam sa kanya na muling mapaninindigan ng kanyang mga atleta lalo na sa ‘Pinas gagawin ang SEA Games at tiyak na aabangan sila ng marami.
“Proven medal producer ang Dragon Boat. Confident ako na kaya nilang gawin sa SEA Games,” sabi ng dating national volleyball player na ngayon ay Dragon Boat coach.
“If you ask me, I want to get all the golds. ‘Yan ang goal namin. Hopefully, they would do it before the very eyes of their countrymen,” wika ni Escollante.
Anim na ginto ang nakataya sa Dragon Boat at anim sa canoe kayak sa SEAG tampok ang mga kalaban sa 10 mga bansa.
Lumipat sila ng training venue sa Laoag, Ilocos Norte mula sa orihinal na training ground sa Taytay, Rizal.
Sinabi ni Escollante na malalakas ang mga kalaban lalo na ang Indonesia, Thailand at Myanmar.
“Handa tayo sa kanila. May bentahe dahil sa atin gagawin at kabisado nila ang kondisyon ng tubig,” ani Escollante.
Ang SEAG ay paghahanda para sa 2020 Tokyo Olympics kung saan lalaruin ang Dragon Boat bilang demonstration sport.
Mapapalaban muli ang mga Pinoy sa mga bigatin sa mundo tulad ng mga katunggaling Canada, Russia, Poland, Malaysia, Chinese Taipei, Thailand, Indonesia at Myanmar.
Kamakailan nanalo ang mga Pinoy sa International Dragon Boat na ginawa sa Puerto Princesa, Palawan.





Comments