NM ROQUE, KAMPEON SA CEBU CHESS OPEN

IPINAKITA ni National Master Merben Roque kung bakit siya ang binansagang pre-tournament favorite nang itakas niya ang halos walang dungis na kartada paakyat sa trono ng 7th Mariano Martinez Open Chess Tournament sa San Remigio, Cebu.
Umiskor si Roque, may rating na 2325, ng 6.5 puntos mula sa posibleng pitong puntos na puwedeng makuha sa kompetisyong nilahukan ng 75 iba pang disipulo ng standard chess. Pinataob ng 39-anyos na kampeon na sina Nonett Escalicas (round 1, rating: 1794), Bhell Ortiz (round 2, rating: 1979), Michael Tinga (round 4, rating: 2011), Mario Mangubat (round 5, rating: 2139), NM Edsel Montoya (round 6, rating: 2286) at Allan Salientes (round 7, rating: 2169).
Ang nagsilbing dumi sa rekord niya ay nang hindi niya nahugutan ng buong puntos dahil sa tabla lang nauwi ang laban niya kontra kay Jethro Esplanada sa round 4.
Nanggulat si Dione Patrick Miñoza, 22nd seed, nang pangunahan niya ang tatlo kataong pulutong na nakapagrehistro ng tig-aanim na puntos. Kasama ni Miñoza si Salientes at si Diego Abraham Caparino sa grupo pero nang lapatan na ng tuntunin sa tiebreak si Miñoza ang sumegunda, pumangatlo ang 6th ranked na si Salientes at nakuntento sa pang-apat na baytang ang 3rd seed na si Caparino.
Ang 5.5 puntos na nakolekta ni Venancio Ganzon Jr. ay sapat na para makasampa siya sa 5th position.
Samantala, nagsumite si Vincent Acidilla ng 4.5 puntos mula sa apat na panalo at isang draw upang daigin sina Hannah Lynne Jumao-as (4.0 puntos) at Art Solomon Villaran (4.0 puntos) para sa unang puwesto sa bakbakan ng mga paslit. Pumangalawa sa likod ng 4th seed na kampeon si Jumao-as habang si Villaran ang umokupa ng huling upuan sa podium.





Comments