BABANGON ANG UST SA PAGSUBOK, ATENEO, TAPANG AT DETERMINASYON


TAPANG at determinasyon na ibigay ang lahat ng makakaya at matibay na pagtitiwala sa bawat isa ang magiging tema ng labanan ngayong hapon sa huling tapatan ng University of Santo Tomas at Ateneo de Manila ngayong taon sa UAAP Season ‘81 Women’s Volleyball Tournament.
Magsisimula ngayong alas-3:30 ng hapon ang do-or-die Game 3 ng Tigresses at Lady Eagles para sa kanilang finals series sa MOA Arena sa Pasay City.
Wala mang nagbanggit, bahagyang naapektuhan ng kakaibang emosyon na naranasan bago sumalang sa laro ang focus ng Tigresses sa Game 2 kung saan nakatabla ang Lady Eagles at naisagad sa Game 3 ang serye matapos tumanggap ng individual awards ng kanilang mga key players at ng pagdating ng mga kapamilya mula sa probinsiya upang manood at sumuporta sa kanila sa unang pagkakataon sa kanilang laro. Nadagdagan pa ito ng pag-aalala at pangamba nang ‘di inaasahang ma-injured sa third set ang Rookie of the Year na si Eya Laure. Ngunit sa kabila ng kabiguang natamo para sa tangkang tapusin na ang duwelo, nanatili namang optimistiko ang UST sa kanilang tsansa at nangakong babawi ngayong Game 3.
At kaparis ng kanilang Ate Sisi, sa gitna ng iniindang injury, tuloy pa rin at hindi uurong sa kanyang naunang pangakong gagawin ang lahat ng kanyang makakaya para ipanalo ang UST ni Laure. “Maraming nagmo-motivate sa akin at sinasabi na pagsubok lang ‘to na hindi dito natatapos, eh. Kasi nga may Game 3 pa, ‘di ba?” pahayag ni Laure.
“Para sa akin, pagsubok lang ‘to na dapat lagpasan para manalo, pagsubok lang ‘to na dapat malagpasan para makamit ‘yung gusto mong makuha and for me naman babangon at babangon talaga kami and hindi ako susuko ng ganun-ganon lang,” dagdag pa nito patungkol sa natamong sprain sa kaliwang paa noong Game 2.
Sa panig naman ng kanilang katunggali, nananatili ang matibay na tiwala ng Lady Eagles sa isa’t-isa kaakibat ng pagpapahalaga nila sa larong minahal na nila. “We’re going to Game Three with grateful hearts, with happy hearts, with love for each other and love for the game that we really, really so love. And of course trust in each other and the Lord,” wika ni Lady Eagles co-captain Bea de leon. (VA)





Comments