TIGRESSES, KAMPEON NA BA O LADY EAGLES, GAGANTI PA?


MANGINGIBABAW na ba at tatapusin ng ginintuang dilawan ang laban o hihirit ng isa pa ang mga naka-asul?
Ito ang katanungang bibigyan ng kasagutan ng University of Santo Tomas at ng Ateneo de Manila ngayong hapon sa muli nilang pagtutuos para sa Game 2 ng kanilang best-of-3 finals series ng UAAP Season 81 Women’s Volleyball Tournament.
Magtatangka ang Tigresses na maulit ang naging dominasyon nila noong Game 1 kontra Lady Eagles sa ganap na 4 p.m. sa MOA Arena sa Pasay City.
Sa panig ng Lady Eagles, magkukumahog silang makabawi mula sa 17-25, 16-25, 20-25 na kabiguang natamo sa kamay ng Tigress na dalawang ulit nilang ginapi noong eliminations.
Ayon kay coach Kungfu Reyes, mas pag-aaralan pa nilang mabuti kung paano nilang magagamit na sandata kontra sa Ateneo ang dalawang nangungunang spikers ng liga na sina Tigresses skipper at Season MVP Sisi Rondina at Rookie of the Year at Best Open Spiker Eya Laure. “We will try to maximize ‘yung pagkakaroon namin ng first two best spikers sa league,” pahayag ni Reyes.
Wala rin silang babaguhin sa kanilang gameplan na pagsisikapan pa nilang mas paigtingin.
“Paghahandaan pa naming mabuti kung paano namin ika-counter ‘yung atake namin sa kanila ng depensa at bibigyan pa namin ng extra time para ma-counter namin kung gaano sila kagaling mag-block, kung paano kami makakukuha ng second chance point,” dagdag nito.
Sa panig ng Lady Eagles, simple lamang ang naging pahayag ni Ateneo coach Oliver Almadro. “We’re still positive and we still believe,” ayon kay Almadro na aminadong napahiya at hindi muna nagpapaunlak na makapanayam ng media matapos matalo sa UST noong Linggo.
Samantala sa unang laro, magtatangka rin ang reigning titlist National University na tapusin na ang men’s finals series nila ng Far Eastern University para pormal na maitala ang target nilang back-to-back championships sa muli nilang pagtutuos ganap na ika-12 ng tanghali. (VA)
Mga laro ngayon sa Mall of Asia Arena:
12 noon – FEU vs NU (Men Finals)
4 p.m. – Ateneo vs UST (Women Finals)





Comments