PHL NAVY RIDERS, KAMPEON SA OCBC CYCLE SPEEDWAY


NAGKAMPEON sa katatapos na 5th OCBC Cycle Speedway 2019 Southeast Asian Championship ang Pilipinas na kinatawan ng mga rider ng Philippine Navy Standard Insurance noong nakalipas na weekend sa Singapore.
Bahagyang naungusan ng mga Pinoy rider na binubuo nina Jan Paul Morales, Ronald Oranza, Jhon Mark Camingao at John Mier ng 0.03 segundo lamang ang Malaysia sa finals para makamit ang kampeonato sa kanilang kategorya.
May kabuuang siyam na koponan na hinati sa dalawang grupo ang naglaban sa qualifying race kung saan ang top two sa magkabilang grupo kasama ang mas mabilis na 3rd placer ang sumulong sa semifinals.
Kasamang nag-qualify ng Pinoy riders mula sa ikalawang grupo ang Vietnam habang nakapasok naman mula sa unang grupo ang Malaysia at Thailand kasama ang best third placer Cambodia.
Ang mga koponang nabigong umusad sa semis ay ang Brunei, Myanmar, Laos at host Singapore. Sa semifinals, nabigong makalusot patungong finals ang Cambodia.
Nagtala ang Pinoy riders ng tiyempong 19:19.550 upang tanghaling kampeon matapos makaungos sa Team Malaysia (19:19.580) at Team Vietnam (19:20.483) na tumapos na pangalawa at pangatlo ayon sa pagkakasunod.
Base sa format ng karera, ang bawat team na may tig-4 na siklista ay iikot ng kabuuang 10 laps na may tig isang kilometrong patag na ruta kung saan ang unang dalawang riders ay iikot ng limang beses bago ipasa ang baton sa huling dalawa kung saan kukunin ang winning time sa itinala nilang average.
“Hindi namin inaasahan ito kasi ang lalakas ng mga kalaban. Kaya masaya kami dahil na-achieve namin ‘yung goal namin na mag-champion,” pahayag ng tumayong kapitan ng koponan na si Mier.Nahirapan sila na pumedal nang matulin ayon pa kay Mier dahil lubhang madulas ang ruta sanhi na naunang pagbuhos ng malakas na ulan bago simulan ang karera.
Sa mga naunang rounds, pumapangalawa lamang ang mga Pinoy sa nagpapalitan ng trangko na Thailand at Malaysia ngunit nalaglag sila sa ika-4 sa palitan ng baton.
Nakadikit sila ulit sa ikapitong lap at doon na nakipaglaban nang husto sa Malaysia hanggang penultimate round at kinopo ang titulo makaraang tumapos na first at fifth sa final lap ang kanilang huling dalawang riders. (VA)





Comments