PONS AT SISI, BABANAT SA FIVB BEACH VOLLEY


KAHIT nasa gitna pa ng pakikipaglaban ang kanyang koponan sa UAAP Season 81 Women’s Volleyball Finals, may kahaharapin na agad na matinding laban para sa pambatong spiker ng University of Santo Tomas na si Sisi Rondina.
Si Rondina at ang kapareha niyang si Bernadeth Pons ang siyang mangunguna sa pagsabak ng Pilipinas sa darating na 2019 FIVB Beach Volleyball World Tour Boracay Open sa Mayo 23 - 26.
Ang tambalan nina Rondina at Pons kasama ng apat pang lokal na pares sa women’s division at tatlo naman sa men’s division ang magsisilbing kinatawan ng bansa sa 1-star tournament na ikalawang sunod na prestihiyosong beach volleyball competition na idaraos sa bansa kasunod ng nakaraang taong Manila edition.
Ang kahihirang pa lamang na UAAP Season 81 womens indoor volleyball MVP at 4 time UAAP beach volleyball champion at MVP na si Rondina ay naglaro na noong isang taon kapareha si Dzi Gervacio. Nakaabot sila ng quarterfinals kung saan nabigo sila sa Japanese duo nina Shinako Tanaka at Sakurako Fuji.
Sina Rondina at Pons, ang back-to-back Philippine Superliga’s Challenge Cup champions.
Kasama ng dalawa na magiging kinatawan ng bansa ang tambalan nina Bea Tan at Floremel Rodriguez, Jackielyn Estoquia at DM Demontano, Patty Orendain at Fiola Ceballos at ang UST pair nina Babylove Barbon at Gen Eslapor.
Kabilang sa kanilang makatutunggali ang tatlong koponan mula Japan, tig-dalawang pares mula Russia, Singapore, Slovenia at Thailand at tig-isang pareha mula Australia, Israel, Lithuania at Malaysia.
Samantala, ang mga kinatawan ng bansa sa panig ng kalalakihan, ang mga tambalan nina Ranran Abdilla at Jessie Lopez, James Buytrago at Anthony Albastro at sina Mike Abria at Jade Becaldo sa 33-team field mula sa kabuuang 15 bansa. (VA)





Comments