BACOOR STRIKE, NAKA-OT WIN VS. VALENZUELA SA M-LEAGUE

NAKASUNGKIT ang playoff-bound Bacoor Strike sa Serbisyo ng 93-85 overtime win kontra Valenzuela upang manatiling walang talo at nalagay na sila sa isa sa top two spots ng South Division ng Metro League Reinforced (Second) Conference noong Huwebes ng gabi na idinaos sa Hagonoy Sports Complex sa Taguig City. Naiwan sa 2 puntos sa huling 7 segundo ng regulasyon, 78-80, nakaalagwa agad si Mark Montuano para sa Strikers nang kumunekta ng game-tying lay up sa buzzer mula sa pasa ni Mark Doligon at makapuwersa ng ekstrang oras.
Hindi na lumingon pa ang kulang sa tao na Bacoor mula nang makadagdag si Montuano ng lima pang puntos sa OT sa tulong nina Doligon at Paolo Castro at maitakda ang pinagpagurang panalo laban sa All-Filipino conference champion na Valenzuela at makumpleto ng Strikers ang pagbawi mula sa pagkaiwan sa halos 15 puntos bago magtapos ang oras sa 3rd period at 10 puntos sa nalalabing 4 minuto sa regulation.
Tumapos si Montuano ng 23 puntos at 9 rebounds upang mamuno para sa Strikers na nanatiling imakulada o malinis ang record sa 7-0 at iselyo ang isa sa top 2 seeds ng South Division at ang all-important twice-to-beat incentive tungo sa quarterfinals ng M-League ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Philippine Basketball Association (PBA) at Barangay 143 bilang league presentor. Nag-angat kay Montuano ang gunners na sina Doligon at Castro na pumoste ng 21 at 20 marka na magkasunod.
Sa kawalan nina big men Michael Mabulac at import Prince Orizu, si King Descamento ang namahala sa big game sa bisa ng all-round 11 puntos, 11 boards kasama ang 3 assists, 2 steals at tatlong blocks para sa Bacoor.
Sa kabilang banda, nakapagsubi si Erwin Sta. Maria ng 20 puntos at 4 rebounds para sa Workhorses na lumagpak sa 2-3 sa North Division ng liga.
Sa iba pang laro, nanaig ang home team Generals kontra Pasigueño, 86-54, kasunod ng Bacoor sa post-season ng import-flavored na M-League conference.
Umagapay si reinforcement Emmanuel Ojoula ng 27 puntos, 10 rebounds at 2 blocks sa loob ng 26 minuto ng aksiyon para sa Generals na nakapagwagi ng huling dalawang laro sa average margin na 35.0 puntos.
Nakapag-ambag sina Richmond Gilbero at Lerry John Mayo ng 14 at 10 puntos para sa Taguig na may kartadang 5-2 para manatiling matatag sa twice-to-beat edge sa South Division.





Comments