Hindi dapat ipagsawalambahala ang mga buhay na inagaw na lang bigla... MGA PAGKUKULANG SA PAGBABAKUN


PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

ANG pagiging lola ay panahon ng pagtatamasa ng ligaya mula sa mga sandaling kapiling ang mga apong minumutya, gayundin, ang mga anak na mahal. Buong lugod itong naranasan ni Gng. Annalyn Burlas, ngunit, ang mga sandaling ito ay naparam kamakailan lamang nang ang kanyang apo na si Reynalyn Almachar ay yumao na. Ang lungkot na dulot ng pagkakahiwalay sa mahal sa buhay ay naranasan at pinagdaraanan pa rin sa kasalukuyan ni Gng. Burlas dahil ang ina ni Reynalyn ay wala na sa mundong malaya. Ngunit, ang nangyaring ito kay Reynalyn ay hindi lamang basta lungkot ang tumarak sa puso ni Gng. Burlas kundi walang mapagsidlang pait dahil hindi lamang basta pumanaw ang kanyang apo kundi “inagaw” pa sa mundo ang kanyang buhay dahil maaga siyang namatay.
Si Reynalyn ang pang-isandaan at tatlumpung biktima (130) na nabakunahan ng Dengvaxia at namatay na hiningi ng kanyang mga pamilya ng serbisyo sa Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team, partikular ang forensic examination. Tumugon dito ang grupo, gayundin, ang inyong lingkod at Legal Team upang ibigay namin ang kaukulang libreng serbisyo-legal na kanila ring hiniling.
Si Reynalyn, labing-apat (14) na taong gulang ay namatay noong Abril 8, 2019 sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital (JBLMRH), San Fernando, Pampanga. Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Noong 2017 lamang nalaman ni Gng. Burlas na naturukan si Reynalyn ng Dengvaxia nang ibigay sa kanya ng health worker ang card kaugnay sa pagtuturok sa kanyang apo ng nasabing bakuna kontra dengue. Noong Abril 10, 2019, sa burol ni Reynalyn, kinumpirma ng guro ng yumao sa lola nito ang naganap na pagbabakuna ng Dengvaxia noong 2017; Grade VI noon si Reynalyn at estudyante siya ng nasabing guro. Dagdag na kumpirmasyon hinggil dito ang nabanggit ng mga kamag-aral ni Reynalyn na nagsabi na naturukan sila ng naturang bakuna sa magkakahiwalay na pagkakataon.
Noong buwan ng Hunyo 2017, nagkaroon ng mga manipestasyon sa katawan ni Reynalyn. Dumaing siya noon sa kanyang lola ng pananakit ng kanyang likod hanggang sa balakang. Ayon sa kanyang lola: “Sa tuwing humihinga siya ay parang hinihika siya. Namanas din noon ang kanyang mukha, hita at paa at siya ay nagkalagnat. Gumaling din noon ang aking apo makalipas ang tatlong (3) araw.” Sinabi rin ni Gng. Burlas na “noong ika-5 ng Enero 2019 nang nagpabalik-balik ang lagnat at pananakit ng ulo ng aking apo, pero nawawala ito sa tuwing pinapainom ko siya ng paracetamol.”
Pagdating ng Marso 2019, masayang pagsalubong sana sa pagdadalaga ni Reynalyn ang inaasahan ng maglola, ngunit, sa kasamaang-palad, ang pagdating ng regla ay tila nagparamdam ng pagdating din ng mga banta sa kanyang kalusugan na bagama’t, nilabanan ay hindi rin napagtagumpayan. Ani Gng. Burlas hinggil dito: “Noong ikalawang linggo ng Marso 2019 nang magkaregla ang aking apo. Tumagal ito ng isang linggo. Labis noon ang pagreregla niya dahil tumatagos ang kanyang regla sa kanyang napkin. Tumagal ng tatlong (3) araw ang kanyang labis na pagreregla.” Sa mga huling araw ni Reynalyn, ang pangyayaring ito ay humantong sa mga kaugnay na kaganapan na nakadagdag pa sa pag-aalala ng kanyang lola:
“Noong Marso 29, 2019, muli siyang niregla at noong ika-2 ng Abril 2019 nang makita na ang kanyang puwerta ay nagtutubig na parang napaso. Pinatingnan namin ang kondisyon ng kanyang puwerta noon sa isang OB-Gyne. Ayon sa OB-Gyne ay sanhi lang ito ng init sa kanyang katawan. Niresetahan siya ng antibiotic at umayos naman ang kanyang kalagayan matapos ang tatlong (3) araw. Nagsuka rin siya noon ng dugo.”
Ang mga sintomas at naramdaman sa katawan at pagbabago sa kalusugan ni Reynalyn ay nakitaan ng paglala na hindi na niya nakayanan at tuluyan nang naghatid sa kanyang huling hantungan. Narito ang bahagi ng pahayag ni Gng. Burlas hinggil dito:
“Noong ika-26 ng Marso 2019 nang namanas ang mukha ng aking apo. Nagreklamo rin siya noon ng labis na pananakit ng kanyang ulo.”
“Noong ika-29 ng Marso 2019, mga alas-diyes (10:00) ng umaga, sa kadahilanang hindi nawawala ang pamamanas ng kanyang mukha ay dinala ko siya sa Escolastica Romero District Hospital (ERDH), Lubao, Pampanga upang ipatingin sa espesyalista. Ayon sa doktor ay may impeksiyon diumano sa dugo ang aking apo. Noon dapat ay ia-admit sa ospital ang aking apo, subalit,dahil ayaw niyang magpa-admit sa ospital ay inuwi namin siya sa bahay. Niresetahan siya ng antibiotics na kanyang iinumin sa loob ng pitong (7) araw. Pagsapit ng alas-dose (12:00) ng tanghali habang kami ay nasa bahay, nagreklamo ang aking apo na hindi siya makakita at hindi niya maigalaw ang kanyang mga paa. Kaya muli namin siyang itinakbo sa ERDH, ala-una (1:00) ng hapon. Siya ay isinailalim sa x-ray at base sa resulta ay kumalat na diumano ang TB infection ng aking apo. Dahil kulang ang pasilidad ng nasabing ospital ay ini-refer kami sa JBLMRH kung saan namin siya inilipat. Alas-tres (3:00) ng hapon ay muli siyang ini-x-ray. Base sa resulta ay nagkakumplikasyon na diumano sa puso ang aking apo kung saan ang puso niya ay nabalutan ng plema. Dinala siya sa isolation room at pinainom ng antibiotics.”
“Noong ika-7 ng Abril 2019, alas-dos (2:00) ng madaling-araw ay nagreklamo ang aking apo na hindi siya makahinga. Dahil doon ay in-intubate ang aking apo. Pagsapit ng alas-tres (3:00) ng hapon nang gustong ipatanggal ng aking apo ang nakakabit na tubo sa kanyang bibig dahil maayos na raw ang kanyang pakiramdam. Ayaw noon tanggalin ng doktor dahil kami raw ang magtanggal ng tubo sa bibig ng aking apo kung ipipilit namin kaya hindi natanggal ang tubo sa bibig ng aking apo. Alas-kuwatro (4:00) ng hapon ng palitan ng mechanical ventilator ang manual pump ng intubation ng aking apo. Hindi naging maayos ang lagay niya noon dahil barado ang mechanical ventilator kaya muling ibinalik ang manual pump. Pagsapit ng alas-dos (2:00) ng madaling-araw nang magreklamo ang aking apo na hindi siya makahinga. Nag-agaw-buhay noon ang aking apo. Ang buhay niya ay sinubukang isalba ng mga doktor, subalit, pagsapit ng alas-tres (3:00) ng madaling-araw ay tuluyan nang pumanaw ang aking apo.”
Inaamin ni Gng. Burlas na dalawang (2) taon pa lamang si Reynalyn ay nagka-primary complex na ito. Taong 2011 din, aniya, nang mag-umpisang nagpabalik-balik ang ubo at sipon ng kanyang apo at noong 2014 ay nagka-dengue infection ito. Gayunman, ayon kay Gng. Burlas, lumaking masigla ang kanyang apo.
Sa kanyang pagmumuni-muni, naisip niya na dahil ang kanyang apo ay dati nang nagkaroon ng pabalik-balik na ubo at sipon kaya dapat ay hindi siya binakunahan ng Dengvaxia. Para kay Gng. Burlas, nagkaroon ng kapabayaan sa pagbabakuna ng Dengvaxia kay Reynalyn at sa mga tulad nitong biktima, kaya dapat lang aniya na panagutan nila ang kanilang kapabayaan. Matinding kapabayaan din ang kawalan ng pagpapaliwanag kay Gng. Burlas hinggil sa maaaring maging bunga ng pagbabakuna ng Dengvaxia. Aniya:
“Hindi ipinaliwanag sa akin at ng aking pamilya kung ano ang puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aking apo sa kadahilanang pinagkaitan kami ng oportunidad dahil hindi namin alam na nabakunahan na pala ng kontra dengue ang aking apo.”
Dahil sa kapabayaan (walang blood test at screening bago magturok) na naganap sa likod ng kamatayan (Dengvaxia Death Syndrome) ni Reynalyn, hiniling ni Gng. Burlas sa aming tanggapan at sa inyong lingkod na sampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ng kanyang apo. Ang kaso ni Reynalyn ay kasama ngayon sa mga kaso ng mga biktima ng Dengvaxia na hinahawakan ng aming tanggapan.
Wala man sa laya at limitado ang magagawa ng ina ni Reynalyn para sa kanya ngayon, ang kanyang lola at ang dama ng katarungan (sa pamamagitan ng PAO) ay magsisilbing kolektibong tinig at lakas ng isang ina na lubos siyang ipaglalaban hanggang sa makamit ang katarungan para sa kanya at sa kapanatagan ng nagpaparamdam niyang kaluluwa.
(Itutuloy)





Comments