SANTIAGO, NAGKAMPEON SA KIDDIES 13 UNDER CHESS

NAKARESBAK si Elijah Gabriel Santiago sa opening round na pagkatalo para maiposte ang apat na magkakasunod na tagumpay at mas maningning na puntos sa tiebreak na nagsilbing armas niya sa pag-angkin ng trono sa 2019 Palarong Panlungsod Kiddies 13 & Under Chess Tournament sa Angeles City.
Tumiklop si Santiago (rating: 1625) laban kay second seed Tiv Omangay noong round 1 pero pagkatapos nito ay kinaldag niya sina John Stephen Flores (round 2), Lantis Juri Tulio (round 3), Ryn Mae Sepada (round 4) at Jhames Oshrie Reyes sa huling round para sa kampeonato.
Tumapos din si pre-tournament favorite Christian Erickson Costuna, may rating na 1844, bitbit ang 4.0 na rekord (mula rin sa apat na panalo at isang talo) pero nakuntento siya sa pangalawang baytang dahil sa mas mahinang tiebreak performance (13.0 puntos laban sa 13.5 tiebreak points ni Santiago).
Isa pang 4-pointer kagaya nina Santiago at Costuna ay ang 7th ranked na si Zara Constantino.
Ang 12-anyos na chesser, may rating na 1637, ang humablot ng huling upuan sa podium ng paligsahan.
Sina Reyes at Omangay ang nakakuha ng 4th at 5th place ayon sa pagkakasunod-sunod.
Samantala, itinakbo ni Christian Arroyo ang titulo ng 2019 SJDM Woodpusher Society Invitational Open.
Halos walang mantsa ang kartada matapos makapagsumite ng limang panalo at isang tabla mula sa anim na laro.
Bridesmaid ang naging papel ni Stephen Manzanero sa naisumiteng 5 puntos.
Pumangatlo si topseed Kevin Mirano dahil sa iskor niyang 4.5 puntos.





Comments