top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

NU AT FEU, FINALIST NA UST, PINATALSIK ANG DLSU

Writer: BULGAR
BULGAR
May 6, 2019
2 min read

WINAKASAN ng University of Santo Tomas ang pagri-reyna ng De La Salle University sa UAAP women’s volleyball nang patalsikin nito ang huli sa isang dikdikang 5 setter , 25-19, 25-19, 20-25, 23-25, 15-10, sa kanilang Final Four match kahapon para sa Season 81 sa MOA Arena sa Pasay.

Nawala pa ng Tigresses ang dalawang sets na kalamangan nang itabla ng Lady Spikers ang laban sa 2-sets all at humirit ng decider. Nanguna ang rookie na si Eya Laure para sa Tigresses sa pag-usad nila sa kanilang unang finals stint mula noong Season 73 nang tumapos silang runner-up noon sa Lady Spikers.

Sa pamumuno ni Laure, pinutol ng Tigresses ang 10-year Finals run ng La Salle.

Hihintayin na lamang ng Tigresses ang mananalo sa pagitan ng Ateneo at Far Eastern University para malaman kung sino ang makakaduwelo nila sa kampeonato na mag-uumpisa sa Sabado.

Sa unang laban, ganap na kinopo ng reigning men’s champion National University ang huling finals berth makaraang walisin ang Adamson University, 25-19, 25-16, 25-20.

Ito ang ikapitong sunod na taon na sumu­long sa kampeonato ang topseed Bulldogs kung saan makakasagupa nila ang naunang finalist at second seed na Far Eastern University, ang koponang kanilang tinalo para sa una nilang korona sa liga noong Season 75.

Pinaabot din ng nasabing panalo ng NU hanggang 14 na laro ang naitala nilang winning run pagkaraang matalo sa opening ng season kontra Tamaraws. “Ito talaga ‘yung goal namin noong simula pa lang ng game and sana magtuluy-tuloy hanggang Finals,” wika ni Bulldogs coach Dante Alinsunurin.

Namuno si middle blocker Kim Malabunga sa naturang panalo sa ipinoste nitong 17 puntos galing sa 8 hits, 8 blocks at isang ace. Ni hindi nakaporma sa NU sa kabuuan ng laro ang Falcons matapos idikta ng una ang tempo ng laro sa simula ng bawat set.

Nanguna naman si Leo Miranda sa tumapos na pang-apat na Falcons sa ipinoste niyang 11 puntos. Idaraos ang Game 1 ng Finals sa susunod na Sabado-Mayo 11. (VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page