top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Nagsayang ng pera para sa bakunang nakamamatay... HUSTISYA PARA SA MGA NAGING BIKTIMA NG DENGVAXIA,

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 3, 2019
  • 5 min read

BULGAR DAING MULA SA HUKAY... HUSTISYA

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

ANG Dengvaxia ay bagong bakuna na binili sa malaking halaga na umabot sa tatlong (3) bilyong piso para sa halos isang milyong Pilipino — bata, mag-aaral sa pampublikong paaralan, pulis, health workers at iba pa. Clinical Trial Phase Three (3) pa ito hanggang noong Nobyembre 30, 2017. May backbone na yellow fever vaccine na nilagyan ng apat (4) na strains ng dengue viruses. Hindi ito basta yellow fever vaccine na may dek­laradong side-effect na — viscero­tropism at neurotropism, ilang araw pagkatapos mabakunahan. Ang apat (4) na strains ng dengue viruses na inihalo sa yellow fever vaccine ay may apat (4) na deklaradong nakama­matay na panganib na magdudulot ng apat (4) na serious adverse effects — anaphylactic allergic reaction, viscerotropism, neurotropism at in­crease in severity of dengue disease. Ayon sa mga eksperto, noong Senate Blue Ribbon Hearing ay aabot sa mahigit sampung (10) taon ang pa­nganib ng side-effect sa katawan ng binakunahan ng Dengvaxia.

Ang pang-isandaan at dalawampu't siyam (129) na biktima na si Shaira Mae Guelde Lomtong ay hindi nakaligtas sa bangis ng Dengvaxia. Kapareho ng na­unang pang-isandaan at dalawampu’t walong (128) biktima nito. Sabi ni Dr. Erwin Erfe ay “Dengvaxia Death Syndrome ito! Pare-pa­rehong sintomas ng sakit ng ulo, tiyan, pag­durugo, paulit-ulit na lagnat, diarrhea at iba pa.” Nang ma-autopsy ang mga labi ni Shaira Mae ay ganu’n pa rin ang nakita ng PAO Forensic Team sa kanya — pagdurugo, pamamaga, paglaki ng utak at laman-loob tulad ng naunang isandaan at dalawampu’t walong (128) mga biktima.

Ang labindalawang taong (12) gulang na si Shaira Mae ay naturukan ng Dengvaxia ng tatlong (3) beses; una, noong Abril 12, 2016 pangalawa, noong Oktubre 21, 2016 at pa­ngatlo, noong Setyembre 14, 2017 sa kanilang paaralan. Ilang araw matapos ang panga­lawang bakuna niya ng Dengvaxia, buwan ng Oktubre 2016, nang mag-umpisang makaranas ng pabalik-balik na pananakit ng ulo si Shaira Mae. Kusa namang nawawala ang pananakit nito, ngunit, bumabalik-balik ang pananakit na ito sa mga sumunod na buwan at taon.

Pagpasok ng 2018, partikular sa mga bu­wan ng Enero at Pebrero, maliban sa sakit ng ulo ay nakaramdam na rin si Shaira Mae ng pananakit ng kanyang batok. Ang mga na­raramdaman niyang ito ay nagpabalik-balik din sa mga sumunod na buwan.

Na­kadagdag pa noong Pebrero 2018, ang pananamlay ni Shaira Mae. Sumakit na rin ang tiyan niya noon. Madalas ay isinusuka niya ang kanyang mga kinakain. Palagi rin siyang inaantok noon, kaya tulog siya nang tulog pagkagaling niya sa kanilang esku­welahan.

Ang mga pinagdaanang ‘yun ni Shaira Mae ay lumalala pa. Mula sa mapait na mga alaala ng kanyang ama na si Primo T. Lom­­tong, narito ang bahagi ng kalbaryong pina­san ng mura niyang katawan hanggang sa siya ay pumanaw noong Marso 27, 2019 sa Quirino Memorial Medical Center (QM­MC), Quezon City: “Noong huling linggo ng Pebrero 2019 dahil hindi gumagaling ang mga idinaraing ng aking anak ay dinala ko siya sa Rafael Doctor’s Clinic, Taytay, Rizal. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pag­susuri. Base sa resulta ng kanyang urinaly­sis ay may UTI diumano ang aking anak. Siya ay binigyan ng antibiotics ng doktor para sa kanyang UTI at bumuti naman ang kalagayan niya sa mga sumunod na araw.”

“Noong gabi ng ika-11 ng Marso 2019, dumaing ang aking anak na masakit ang kanyang ulo. Pagkatapos noon ay nawalan ng malay ang aking anak, kaya dinala ko siya sa Manila East Medical Center, Taytay Rizal. Siya ay nilagyan ng suwero at isina­ilalim sa iba’t ibang pagsusuri. Niresetahan din siya noon ng pain reliever dahil sa sobrang pananakit ng kanyang ulo. Dahil walang bakanteng kuwarto ang nasabing ospital ay ini-refer kami sa Rizal Medical Center, Pasig City. Nagpunta kami sa na­sabing ospital, pero dahil pumutok ang septic tank ng ospital ay inilipat namin si Shaira Mae sa QMMC, alas-singko (5:00) ng umaga ng ika-12 ng Marso 2019. Sa parehong araw ay isinailalim sa CT scan ang aking anak at doon ay may nakitang nana diumano sa utak niya.”

“Kinaumagahan, ika-13 ng Marso 2019 ay inoperahan ang ulo ng aking anak upang tanggalin ang nanang nakita rito. Ika-14 ng Marso 2019 na nang matapos ang kanyang operasyon. Subalit, sa kabila ng isi­nagawang operasyon ay hindi nila natanggal ang lahat ng nakitang nana. Ayon sa doktor ay may kaunting naiwang nana sa maselan na bahagi ng kanyang utak. Hindi raw nila maaaring tanggalin lahat ng naki­tang nana da­hil delika­do raw ito na ba­ka ma­ta­maan ang kan­­yang utak. Naging ma­ayos na­man ang kun­­­­dis­yon ng aking anak sa mga sumunod na araw.”

“Noong madaling-araw ng ika-25 ng Marso 2019 ay pinakain ko pa ang aking anak. Muli siyang natulog matapos siyang kumain. Mga alas-siyete y media (7:30) ng umaga pagkabili ko ng pandesal ay nangamba ako kung bakit hindi pa gumigising ang aking anak. Aking iniangat ang kanyang kamay at ito ay malambot na. Sinabihan ako ng doktor na comatose na raw ang aking anak. Mga alas-otso (8:00) ng umaga nang isi-CT scan sana ang aking anak nang biglang mawala ang pag­tibok ng kanyang puso. Siya ay ni-revive ng doktor at na­ging matagumpay naman ito. Co­matose pa rin noon ang aking anak. Pagkatapos noon ay na-CT scan ang aking anak at base sa resulta ay kumalat na diumano ang nana sa ulo niya. Hindi na stable noon ang vital signs niya at hindi na rin umaayos ang sitwasyon ng aking anak sa mga sumunod na araw. Hanggang noong alas-tres (3:00) ng madaling-araw ng ika-27 ng Marso 2019 ay nag-agaw-bu­hay na siya. Da­kong alas-tres ku­warenta (3:40) ng ma­daling-araw ay tuluyan nang pu­manaw ang aking anak.”

Bago naturukan ng Dengvaxia, ang mapagmahal at masiglang anak na si Shaira Mae ay malusog. Mahilig din siyang sumayaw. Si Shaira Mae ay wala ring malubhang sakit at hindi pa naidala sa ospital dahil sa malubhang karamda­man. Hindi pa rin siya nagkaroon ng den­gue infection. Ang batang si Shaira Mae na banaag noon ang pagiging aktibo ay pilit na inililigtas ng kanyang ama sa pagkahulog sa bangin ng kamatayan, sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsasabi sa mga doktor at nurse sa ospital na nabakunahan ng Dengvaxia ang kanyang anak. Sa kasamaang-palad, hindi man lang siya pinansin ng mga ito.

Kung mayroon man lang sanang nakinig sa kanila at nagsagawa ng nararapat na aksiyon sa pamamagitan ng maagap at agresibong panggagamot sa mga sintomas na nararamdaman ni Shaira Mae noon, marahil, kapiling pa siya ngayon ng kanyang mahal na pamilya. May mga pagkaka­taon na ang pakikinig ang pinakaunang hakbang sa paglilig­tas sa nag-aagaw-buhay sa kamatayan. Kaypait isipin na ito ay ipinagkait kay Shaira Mae.

Sa mga magulang ni Shaira Mae ay may ipinagkait din. Ayon sa kanyang ama: “Hindi ipinaliwanag sa akin kung ano ang puwedeng maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aking anak.”

Dahil sa mapait na kinasadlakan ni Shaira Mae na humantong sa kamatayan, lumapit ang kanyang ama sa VACC, SMABD at PAO upang humiling na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ng kanyang anak.

Kasama ang PAO Forensic Team at Legal Team ng aming tanggapan, kami ay tumatalima ngayon sa kanyang hiling. Sana ito ay magsilbing maliit, ngunit, mahalagang hakbang sa pagpapakalma sa kaluluwa ni Shaira Mae at sa kanyang mga pagpaparamdam. Walang humpay na paghihirap ng mga ma­gulang at anak na biktima. May pang-130,131,132 at 133 na!

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page