top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Alamin mula kay Maestro... SADLAKANG KAPALARAN NG MGA TANDANG

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 2, 2019
  • 2 min read

DAHIL mahilig mamintas at pumuna ng kahinaan at pagkakamali ng kanilang kapwa, kadalasan ay hindi masaya ang Tandang sa pakikisalamuha sa kanyang mga kaibigan o sa lipunang kanilang ginagalawan. Ito ay da­hil mas nauuna nilang makita ang pagka­kamali ng kanilang kapwa kaysa sa mga tama at kabutihan nitong nagawa.

Dahil dito, minsan nagiging mailap tuloy ang mga Tandang sa kanilang mga kaibigan at kasamahan, halim­bawa sa trabaho o kung saan mang institusyon siya kabilang. Ginusto o hindi man niya ito ginusto, ‘ika nga, “aloof at may pagka-loner” sila na ka­dalasan at talagang nangyayari sa buhay ng Tandang kapag siya ay na­kikisalamuha sa lipunan.

Ang nakatutuwa pa sa Tan­dang, bagama’t, aloof at loner, iniisip niyang siya ay matalino, ma­galing at sikat, kaya kapag may pinupuri o pinararangalan habang nasa sulok siya at na­kaupo sa lamesa, ‘yung pinararangalan ay uma­ak­yat na sa stage, bumubulung-bulong ang Tandang sa kanyang sarili at sasabihing, “paano kaya napa­rangalan si Mr. Egoy, samantalang, maga­ling pa ako riyan”?

Ganu’n palagi ang attitude ng Tandang sa halos lahat ng larangan ng buhay, palagi niyang naiisip na mas magaling siya sa kanyang kapwa at akala niya ay totoo ito.

Samantala, kapag siya ang para­rangalan o bibigyan ng recognition, ang nasa isip niya ay “ku­lang pa ang karangalang ito sa sobrang galing at kakayahan ko”!

Ganu’n kayabang ang Tandang, pero hindi niya ito pinagsasabi at hindi ito nahahalata dahil hindi siya makuwento, sa halip, tulad ng nasabi na, dahil aloof at loner siya, hindi tuloy nahahalata na sa loob ng natatago niyang pagkatao, siya lang ang nakaa­alam na ang Tandang bukod sa sobrang bilib sa kanyang sariling kakayahan ay sobrang yabang at akala mo ay magaling na magaling sa lahat ng kan­yang kakilala at nasasakupan.

Ang isa pang nakatutuwa sa buhay ng Tandang, kahit na siya ay bigumbigo o sabihin nating laos na Tandang, hindi niya ito pinaniniwalaan dahil tulad ng nasabi na, kahit na siya ay ilagay pa sa sobrang mababang kalagayan, iisipin pa rin ng Tandang na siya ay nasa ibabaw ng bundok na mayabang pa ring tumitilaok.

Dagdag pa rito, isinilang ang mga Tandang upang ayusin ang lahat ng mga bagay. Kaya kapag may problema sa opisina o kaya ay may mga pagtatalo sa um­pu­kang kanyang kinabibila­ngan, walang duda, siya la­mang ang may kakayahang makaaayos ng lahat ng gulong ito.

Dahil magaling siyang mag-ayos, puwedeng-pu­we­de siyang maging manager kung saan na­gagawa niyang pakilusin at pagali­ngin ang mga taong kan­yang nasasa­kupan at ‘yun talaga ang nangyayari kung saan halimbawang ikaw ay may boss o teacher na Tan­dang, siguradong ikaw ay magiging mahusay na empleyado at estudyante dahil ang nangangasiwa at nagtuturo sa iyo ay Tandang.

Kaya lang, kahit na magawa ng Tandang na mapagaling nang husto at mapahusay ang kanyang empleyado o ang kanyang tinuturuan, sa isip niya ay “parang marami pang kulang ang ginawa kong pagtuturo sa empleyado o sa estudyante kong ito”, kaya sa kabila ng lahat ay palaging may lungkot at kulang sa kanyang mga ginagawang diskarte, pagsisikap at mismong sa kanyang buhay.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page