2ND LEG NG PRURIDE PHL, LALARGA SA SUBIC BAY

HANDA na ang lahat para sa ikalawang yugto ng PRURide PH 2019 sa Subic Bay Freeport ngayong Mayo 23 hanggang 26. Tampok ang PRURide UCI 2.2 Stage Race na lalahukan ng mga pangunahing Pinoy na siklista kontra sa mga banyaga bilang unang hakbang para makapasok sa 2020 Tokyo Olympics.
Magpapadala ng koponan ang mga cycling powers na Uzbekistan, Australia, Vietnam, Chinese-Taipei, Hong Kong, Brunei, Indonesia, Timog Korea, Malaysia, Thailand at Singapore.
Gagawin ng Filipino teams tulad ng 7-Eleven, Standard Insurance, Go For Gold, Philippine Army at Franzia ang lahat para madepensahan ang sariling mga kalsada sa mga bisita.
“Mahusay ang siklistang Pilipino at gusto namin na maipamalas nila ito sa buong daigdig,” wika ni PRU Life UK Senior Vice President Allan Tumbaga sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel Manila. “Matagumpay ang una nating karera, ang Criterium sa Filinvest Alabang noong Abril 7 at sigurado akong magiging matagumpay din ang karera natin sa Subic.”
Ilan sa mga inaasahang magdadala ng bandila ng Pilipinas sina John Paul Morales na kampeon sa Criterium, Ronnel Hualda at Marcelo Felipe.
Tatayong Race Director si Graham Jones na nangasiwa rin sa mga malalaking karera tulad ng Tour de Langkawi at Tour of Britain.
Maliban sa Stage Race, maaari ring sumali ang lahat sa Masters Race, isang 50-km karera na magbibigay pagkakataon na maranasan ang ruta na daraanan ng mga propesyonal. Nariyan din ang Gran Fondo kung saan puwedeng mamili sa 30, 60 o 100-km na non-competitive na karera.
Magkakaroon ng pagkakataon ang mga siklista na samahan muli ang celebrity riders na sina Kuya Kim Atienza, Zoren Legaspi at Gretchen Ho. Bukas pa hanggang Mayo 19 ang pagpapalista sa www.pruride.ph.
Pagkatapos ng mga karera, may inihandang libreng concert ng mga sikat na bandang Grace Note at Calla Lily. Marami ring puwedeng gawin ang buong pamilya para sa isang araw na puno ng kasiyahan.





Comments